
Hinggil sana sa pag-uugat ng komersiyal at banyagang Halloween sa kamalayang Filipino ang alimuom ngayon, ngunit mas tumatak sa akin ang isang imaheng nakita sa internet. Retrato ito ng mga Filipino noon sa sementeryo sa Santa Cruz, Maynila. May apat na katutubong nakaluhod at may dalawa pang nakatayô. Kapuwa sila nakaharap sa kinalalagyan ng kanilang mga patay habang pinagmamasdan, sa tingin natin, ng mga Americano kung 1899 nga ito kinuha.
Ilan sa mga tanong ko: Bakit nakaluhod ang apat na Filipino? Bakit sila pinanonood at tila binabantayan ng mga banyaga sa kanilang taimtim na gawain? O ano nga ba ang katutubo sa nabalam natin ngayong obserbasyon ng undas?
Hindi ko muna babagtasin ang karaniwang daan tungo sa pagtalos sa masalimuot na pinagmulan ng “undas.” Mas ninanais kong gamitin ang paglalarawan1 ni Virgilio S. Almario sa ating katutubong kamalayan na tinatabunan ng mga susón buhat sa impluwensiyang Español at Americano.
Sa retrato, makikita natin ang mga pangitain pa lámang sa pananakop ng mga Americano. Kung tama nga na 1899, simula pa lámang ito ng digmaang Filipino-Americano na magtatagal hanggang 1902 at magtutuloy sa kamalayang sasalakayin ng Amerikanisasyon. Mapapansin naman sa kanilang presensiya at pagtunghay sa espektakulo ng mga katutubo sa kanilang harapan. Bagaman walang lumilitaw na armas ay mahahalata ang imposisyon ng kanilang kapangyarihang mababanaag sa uniporme at kaswal na panonood sa mga katutubo. May iba pang kuwento ang tila banyagang dalagaa na kasama nilang saksi, pati na ang dalawang musmos na Filipino nanonood din.
Pagdating sa bahaging Español, ito na mismo ang lunan, ang sementeryo o kamposanto. Estruktura at konsepto itong ipinalaganap ng mga Español kasama ng iba pang konsepto ng kontroladong espasyo tulad ng plaza, poblasyon, at puweblo. Sa mga espasyong ito, maaaring mabantayan ang mga kilos ng mga katutubo habang ipinagpapatuloy ang mga polisiya ng mananakop sa pang-araw-araw na búhay ng katutubo. Makikita pa rin ang manipulasyon sa mga espasyo sa ngayon ngunit kinakasangkapan na ng ibang namumuno na may banyagang kaisipan. (Kailangan din nating usisain ang mga sumusulpot na estruktura gaya ng mga casino na nakapaloob sa mga kinathang espasyo’t lungsod-aliw.)
Matapos ang mga bahaging may impluwensiya ng mga Americano at Español, nasaan naman ang katutubo? Marahil ito na mismo ang akto ng pagluhod sa sariling lupa. Hindi ito pagluhod bilang tanda ng pagpapakumbaba sa harap ng mga mananakop. Sa pagluhod ng mga katutubo, nakikipagniig sila sa sariling lupa na natabunan na ng mga estruktura at paniniwala ng kanilang mananakop.
Mula sa espesipikong pook na may imposisyon ng banyaga, kanilang ibinabalik ang mas espesipiko at tumpak na gawi sa pagpupugay sa mga ninuno. Sa mga naunang talâ hinggil sa mga Tagalog, sinasabing matatagpuan ang mga puntod sa tabi ng mga tahanan at parang2. Kung ating iuugnay sa pagsamba at pagpupugay ng mga ninuno natin sa mga nauna sa kanila, hindi malayo na maaaring ginawa nila nang mas madalas ang pagpupugay sa mga ninuno dahil sa nakaugat ito sa kanilang araw-araw na pag-iral sa tahanan at gawain tulad ng pagsasaka. Hindi nakatali ang pagpupugay sa mga ninuno sa dalawang araw lámang na itinakda ng mga banyaga at nang lumaon ay naging atin na.
Kayâ kung isang naturalisado nang gawain ang obserbasyon ng undas, mahalagang matukoy ang bahaging katutubo rito. Kailangan nating makita ang mga gawain at paniniwala ng katutubong pinaliligiran ng banyagang paningin at imposisyon gaya sa halimbawang retrato. At kung magbubungkal táyo sa mga kahulugan sa lupa ng ating mga ninuno, may mahahagilap at mauunawaan pa táyong higit pa sa mga ipinataw na paniniwala ng mga mananakop. Hindi ito ikakagalit ng mga nahihimlay nang patuloy nating pagpupugayan. Roy Rene S. Cagalingan
TALABABA
1Virgilio S. Almario, Ang Tungkulin ng Kritisismo sa Filipinas (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press), p. 11.
2William Henry Scott, Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press), p.239.