Pagmumuni sa Pinagmulan: Hinalà

Sa artikulong ito, kung mamarapatin ay samahan akong pag-isipan ang isang salitang madalas nating ginagamit sa kasalukuyan, sa personal man at lalo na sa pambansang mga usapin—ang “hinalà.”

Karaniwan na para sa tao ang maghinala. Nag-uugat ito sa kaniyang naging ebolusyon at bahagi ng kaniyang pagtiyak na mapanatili ang sarili (self-preservation). Sa likás na aksiyong ito ng tao, natitiyak niya kung ang isang bagay o tao sa kaniyang kagyat o namamalayang kaligiran ay maaaring magdulot ng mabuti o masama sa kaniya.

Saan nagmula ang hinala?

Sa Vocabulario de la lengua tagala (1754), may bigkas itong malumay at nangangahulugang “magsospetsa”. Nagbigay naman ng masaklaw na kahulugan ang UP Diksiyonaryong Filipino (2009) sa hinalà—pansinin: malumi—na “pakiramdam o pag-iisip na maaaring mangyari o maaaring totoo sa isang bagay” at “pakiramdam o paniwala na ang isang tao ay nagsisinungaling o nakagawa ng isang bagay na labag sa batas.”

“Suspicion” naman ang kahulugan sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban (1972) at may kasingkahulugan na: bintang, sapantaha, sospetsa, suspisyon, akala, isip.

Sa UP Diksiyonaryo at Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles, kapuwa natukoy na nagmula ang “hinala” na kapuwa may bigkas na malumi sa “hing” at “salà”. Ang unlaping “hin” o “hing” ay “tumutukoy sa pag-aalis o paglilinis, pagdurusa o pagdanas, at pag-uulit sa isinaad ng salitang-ugat.” Bukod sa “hinala”, ginagamit ang unlaping ito sa mga salitang “hinguko” (hing + kuko), “hingalo” (hing + kalo), at “hinakot” (hing + takot). Samantala, may kahulugan ang “salà” na “paraan ng paghihiwalay ng mapipino at ng makakapal na butil, ng dumi, o ng ibang substance sa pamamagitan ng tela o bistay.”

Kung susuriin ang unlapi at pinagmulang salitang-ugat, maaari bang masabi na ang “hinala” ay nagtataglay ng katangian ng pagsasalà sa danas? Bahagi ng paghihinala ang talâ ng mga maaari hinggil sa isang bagay, tao, o pangyayari sa ating búhay.  Kung titingnang pagsasalà sa danas ang paghihinala, makatutulong ang ating karanasan upang mabigyan ng katwiran ang lumilitaw na mga maaaring mangyari batay sa ating pagsipat.

Ano ang itinuturo nitó sa atin sa pagturing sa “hinala”? Ang pagsasalà ay proseso ng paghihiwalay ng mga importanteng bagay sa mga di-kinakailangan; ang masinop na prosesong ito ang kailangan din natin sa balidasyon at pagtuklas ng katotohanan batay sa ating mga hinala.—Maria Christina Pangan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: