Mulang Alimuom 10: Ang Pagdating ng Bálam-Araw/Bálang-araw

Hinahangad ng Alimuom ngayon na gawing lunsaran ang artikulo ni M.C. Pangan na “Isang Dali” na lumabas sa Pagmumuni sa Pinagmulan noong nagdaang linggo sa espasyong ito. Sa artikulo, binagtas ang ilang kahulugan ng sandali mulang katutubo hanggang sa ginawang pagtatapat nitó (o imposisyon?) sa minuto ng Español na lumaganap sa mga kontemporaneong diksiyonaryo.

Sa pagkakataong ito, nais ko namang bagtasin ang nagdadaang nasasayang. Sa panahon na tila bumabagal ang oras at naghahari ang pagkabagot, mapapaisip talaga táyo sa mekanismo ng panahon at ang artikulasyon natin dito. Nais kong ilatag muna ang isang salawikaing Hiligaynon:

Buas damlag, buas damlag
Amo ang lalantonon sang matamad.

[Ang búkas, ang búkas
ang sinusunod ng mga tamad.]

Sa salawikain, lantarang sinasabi na ang isang partikular na elemento ng panahon (ang búkas) ay nakalaan at sinusunod ng partikular na mga tao (mga tamad). Malinaw ang paalala na hindi dapat hinihintay ang sumunod na araw kung káya namang gawin sa ngayon. Nakatali sa disiplina ng ngayon at pagdidisiplina ngkonsepto ng ngayon ang salawikain. Sa oras na binigkas ito, dumaan man ang panahon, ay inaasahang matatandaan ito. Para bang may tinig sa laberinto ng tainga na nagsasabing “huwag sayangin ang ngayon o huwag hintayin ang búkas dahil walang bálang-araw.” O bálam-araw ba?

Balikan natin ang mga kahulugan.

Unahin na natin ang mas hindi pamilyar na “balam-araw.” Sa Vocabulario dela lengua tagala, narito ang lahok para sa salita at salitang-ugat:

Balam araw.pp. Pagbimbin sa paggawa ng isang bagay o pagpapahaba. Binubuo ng mga salitang Balam at Araw, at binabanghay kasama ng Mag. Sa paraang pabalintiyak. Balam arawin: Houag mong balam arawin ang itong usap. Huwag mong pahabain itong pagtatalo

Bálam. pp kabagalan, o antala. Mabalam, pagtigil, Magpakabalam, pagtigil nang husto. Makabalam, maging dahilan ng pagtigil. Ikabalam, balintiyak. Kabalaman, 1. Pagkabalaman, kung ano, o bakit naantala. Kabalaman, Antala, pagtigil, Balamin, 1. Pabalamin, ang taong sadyang nagpapaantala. Taong balam, 1. Mabalam, taong mabagal.

Mapapansin na may kinalaman ito sa pagpapaliban. Dagdag pa sa lahok na “balam araw,” maganda rin ang payo sa mga magkasintahan hinggil sa pagbabalam ng mga pagtatalo. Marahil, dahil talî ang konsepto natin ng panahon noon sa pagtatapos ng isang gawain tulad ng pagtatanim at pangingisda, ang pagbálam o pagbabálam-araw ay isang paraan upang matiyak na magiging mahusay ang paggawa ng isang trabaho. O paraan para maiwasan ang sakuna. Hindi naman masama ang lahat ng pagbinbin lalo na sa mga nagkakamali sa gawain o posibleng pagharap sa kapahamakan. Paraan ito upang magkaroon ng distansiya (ang pagkabálam) sa ginagawa upang masipat at mapaglimian ang ginawa. Sa panahon natin ngayon, maituturing namang karumal-dumal ang pagkabalam ng mga proyekto dahil sa katiwalian. Iyon ang mga hindi katanggap-tanggap na pagbalam.

Kaugnay ba ito ng bálang-araw na mas ginagamit natin sa ngayon?

Muli sa Vocabulario, narito ang lahok para sa bálang araw at hinanap ko ang pinakamainam na salitang ugat (bála) batay sa nabuong kahulugan nitó:

Balang araw. pp. Sa darating na araw.

Bála. pp. Bilhin ngunit ang kabayaran ay isusunod na lamang. Mala. Kumuha nang hindi pa bayad. Kung madalas, Namamala.

Balá. pc. Magsalita, magsabi. Nababala, Siyang nagsasalita sa ganitong paraan.

Hindi naman yata mula ang “bálang” sa balang na kulisap (locust) na naninira ng pananim. Sa dalawang posibilidad, may nakapaloob na konsepto ng hinaharap sa pagbabayad ng utang sa “bála,” samantalang mukhang mas akma bílang mabubuong tambalang ekspresyon ang “balá.” Maaari ka rin palang maligaw sa pagtunton ng mga tambalan.

Kung babalikan natin ang salawikain, totoo namang dapat nilulubos ang panahon na ipinagkaloob sa atin. Kahit pa tila nalulusaw o humahaba ang mga araw ngayon, pagkakataon pa rin ito upang mapabuti natin ang mga sarili at kapuwa sa kakaibang pagkakapiit sa panahon. Sa kaso ng bálam-araw/bálang-araw, marapat din táyong magpasiya na maglimi at magplano para sa mga darating. Maaari bang ang pandemya ang sitwasyon natin tungo sa mabibinbin pang araw o ang darating na araw na lalagyan natin ng sariling kahulugan? Lamanan nawa natin ng kabuluhan ang mga araw at mga susunod pa.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: