Nitóng linggo, nagkaroon ako ng pagkakataong mabása ang librong The Book of Ichigo Ichie nina Hector Garcia at Francese Miralles. Pilosopiya hinggil sa pagsasabuhay ng sandali (living the moment) ang tinatalakay sa aklat at kung paano ipapasok sa pamumuhay ang konseptong ito. Ang ichigo ichie, na may literal na kahulugan na “minsan, isang pagtatagpo” (once, a meeting), ay nagsisilbing mantra upang ipaalala sa atin na kailangang ipagdiwang ang maliliit na pagkakataon sa búhay natin dahil ang bawat pagkakataong ito ay hindi na mauulit pa.
Ipinakikita rin ng aklat na mayaman ang Pilosopiyang Hapón sa mga konsepto hinggil sa panahon at ilan na sa kilala na nating mga konsepto ay ang zen at ang ikigai o dahilan ng pag-iral. Dahil sa katangian ng mga Hapón na maging makilatis hanggang sa pinakamaliit na detalye, napanananatili ang simplisidad, elegansiya, at pagpapahalaga sa mga panahon. Sa katunayan, matutunghayan ang halagahang ito sa iba’t ibang bahagi ng kanilang kultura: sa ikebana o masining na pagsasaayos ng mga bulaklak, hanami o pagtunghay sa pamumukadkad ng mga sakura, at sa seremonya sa paghahanda at pag-inom ng tsaa.
Sa kulturang Filipino, bagaman masaklaw ang terminong “panahon” upang maipakita ang mga halagahan natin hinggil sa oras, mainam din kung ibabaling natin ang atensiyon sa itinuturing nating maliit na yunit nitó: ang sandali.
Sa UP Diksiyonaryong Filipino, ipinaliliwanag ang sandali bilang “ikaanimnapung bahagi ng isang oras; binubuo ng animnapung saglit” at mula sa “isang dali”. Kung pagbabatayan ang deskripsiyong sinipi, ito ang pantumbas natin sa terminong “minuto” mula sa Espanyol.
Ngunit tíla tiyak at absoluto ang itinakdang kahulugan nito sa “sandali”. Sa simula ba ay “minuto” na ang turing dito ng mga sinaunang Filipino? Saang yugto sa ating kasaysayan at halagahang pampanahon nagbago ang kahulugan nitó?
Paano sinusukat ang sandali?
Kung babalikan ang Vocabulario de la lengua tagala, direktang kahulugan nitó ang “dagli”. Napakayaman din ng deskripsiyon ng “dali” sa sangguniang ito at ilan dito ang sumusunod: dagli; (dumali) gumawa ng isang bagay sa madaling paraan; at (magmadali) kumilos nang mabilis. Kaugnay din na termino nitó ang “madali” na may kahulugang hindi mahirap gawin o isang bagay na mabilis gawin.
Sa sanaysay na “Densities of Time”, tinalakay ni Resil Mojares na ang mga Filipino ay walang tiyak na pangalan sa “Oras” (Time) ngunit hindi nitó ibig sabihin na wala táyong konsepto nitó. Naglatag siya ng talakay na kaiba sa Europeong pagtingin sa “oras” na tiyak, kaugnay ng gawain, partikular ang pagtatanim, ang ating konsepto nitó. Dagdag pa niya:
“Native time was not homogeneous, abstract, divided into fixed and precise units. It was ‘human’ time, reckoned in relation to the performance of life-sustaining activities and guided by the signs of an environment that was concrete, particular, and changing.”
Kung gayon, sapagkat hanggang sa kasalukuyan ay ginagamit pa natin ang terminong “sandali”, maláy ba táyong isang minuto ang katumbas nitó? Matatakdaan ba natin, halimbawa, ang pagmamadali? Matutukoy ba ang simula’t wakas ng panandalian?
Batay sa paliwanag ni Mojares, maaari nating sukatin ang sandali batay sa pagkompleto natin sa isang gawain na madalas ay mabilis o walang kahirap-hirap. Kayâ, hindi nakapagtatakang bahagi ng pagiging ephemeral ng sandali ang buong imersiyon ng katauhan sa danas nitó sapagkat natapos na ang isang gawain.—Maria Christina Pangan
Sanggunian:
Mojares, Resil B. “Densities of Time”. Isabelo’s Archive. Lungsod Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc., 2013.