Nalambat ang atensiyon ng madla sa presensiya ng tumpok-tumpok na sinasabing nagpaganda sa kondisyon ng ating pamumuhay sa lungsod. Pumasok sa ating kamalayan ang posibilidad ng kagandahan, na ang puting buhangin ay hindi lámang para sa mga magtutungo sa Boracay at iba pang eksklusibong pook upang danasin ang isla namin-sa-loob-ng–islang pakiramdam (aking tatalakayin ito sa hinaharap).
Ano ang naging karaniwang reaksiyon? Hindi ito ang puwang upang husgahan ang sanlaksang dinumog ang tanawin. Sa panahon ng pandemya, ang makatanaw sa marikit ay panandaliang gamot sa dinaranas na pagkabagot. Mas mainam suriin ang dalawang lumilitaw na konsepto sa tumpok na ito ng buhangin.
Una, ang pagiging tagimpán o ilusyon nitó; at ikalawa, ang pagkahumaling natin sa kaputian bilang sukatan ng kagandahan.
Magsimula táyo sa ilusyon. Isang panlilinlang ito sa ating paningin na malinaw na pakana ng isang maláy na manlilinlang. At bakit ginagawa? Dahil may nais pagtakpan na kasalukuyang umiiral na imahen. Kung titingnan natin ang mga imahen at uunawain ito, maaari nating tukuyin ang kapabayaan, kapalpakan, katiwalian, at marami pang iba na mabubuo natin sa kasalukuyang pamamahala sa krisis.
Sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar, tinatawag itong tagimpán ng mga sinaunang Tagalog at papasok sa mga mas modernong diksiyonaryo bílang panagimpan. Sa mas naunang deskripsiyon, nangangahulugan itong pangarap o pananaginip. Sa ikalawa, tila may kaunting paglihis o pag-alpas mulang pangangarap tungo sa pagiging ilusyon mismo. Gagamitin natin ang pinagsamang pangangarap at ilusyon para sa ating pagsalat sa empiryo ng buhangin at mga kahulugan nitó.
Para sa ikalawa, mainam ding maunawaan kung bakit táyo may pagkahumaling sa kaputian. Nabigyan na ito ng artikulasyon ng mga iginagalang nating iskolar, ngunit sa kaso natin, ang mismong pampang ng Maynila ang nagiging katawan na sumasagisag sa ating kamalayan. Artipisyal na interbensiyon ang pagtambak ng dolomite upang mapalitaw ang pagkiling natin sa kaputian. Magastos tulad ng kailangang ilaan para sa gluthathione, skin bleaching, at iba pa. Idagdag pa natin na hindi naman ito kinakailangan at may iba pang mapaglalaan sa panahon ng pandemya. Sa kasong ito, malinaw kung sino-sino ang nahuhumaling sa pagpapalabas ng ilusyong kaanak ng huwad na perspektiba sa kagandahan.
Kayâ sa isang tumutunghay sa ilusyon at pangangarap ng iba (tagimpán/panagimpan), kailangan ang hinahon sa pagtingin na hindi pangungunahan agad-agad ng pagkamangha’t paniniwala. Dahil hindi maloloko ang marunong kumilala sa tagimpan/panagimpan. At hinggil sa pangangarap, ano naman ang saysay sa pangangarap ng iilan kung hindi naman ito ang hinangad ng mga naghihirap para sa kanilang pangarap?
Lumilitaw ngayon na magkaugnay ang ilusyon at paggamit ng kaputian upang malinlang táyo. Ang nakalulungkot sa pagkakatantong ito, unti-unting tinatangay sa kasalukuyan ang buhangin sa Maynila. Nakalulungkot ang salaping nagamit sana sa mas mahahalagang bagay at hindi lamang sa pakahulugang superpisyal at kosmetiko. Magbago nawa ang mga pakahulugan natin matapos mawala ang buhangin.—Roy Rene S. Cagalingan