Pagbulusok

Isang Dula hinggil sa Krisis Ekonomiko ng Asya sa Apat na Yugto
ni Jean Tay

Mga Tauhan

ISABEL, isang dalagang Singaporean, mahigit-kumulang 25 ang edad, newscaster

INA, isang dalagang Indonesian-Chinese sa mahigit-kumulang 20 ang edad (maaaring gumanap ang iisang aktres bilang Isabel at Ina)

KORO, binubuo ng tatlong lalaki; LALAKI A, LALAKI B, at LALAKI C

Tagpuan
Asya

Panahon
2 Hulyo 97 hanggang Hulyo 98

UNANG YUGTO: MGA SALIGAN

1.1. PAGBABA

Nagsimulang tumunog ang mga gong sa kadiliman. Magpapatuloy silang tumunog hanggang hahalo sila sa tunog ng pambungad na musika mula sa balitang pang-alas-siyete.

Unti-unting magbubukas ang ilaw, gaya ng ginagawa sa mga balita. Makikita ang anino ng tagapagbalita. Nása kaniyang likod ang isang tanawin na may matatayog at maliwanag na mga gusali, ang sentral na distrito ng komersiyo. Lahat ay nagpapakita ng kaunlaran at husay. Ang entablado ay punô ng moderno, teknolohikong set ng mga telebisyon, na maaari rin nating mapanood ang balita.

Unti-unting maglalaho ang musika para sa balitang pang-alas-siyete hábang liliwanag sa tagapagbalita at makikita natin siya na nakasuot ng pastel green na Chanel suit. Mayroon siyang malinis, matikas, at di-maitatangging maayos na katangian at naka-coiffure na buhok ng iyong tipikal na tagapagbalita. Malinaw ang kaniyang boses, trans-atlantiko, may asentong Amerikano/Briton, malinaw, at walang emosyon. Makikita ang kaniyang mukha sa maraming set ng telebisyon sa loob ng silid hábang siya ay nagbabalita:

ISABEL

Good evening. Welcome to Channel 5. This is Isabel Cheong, bringing you the seven o’clock news on the 2nd July 1997.

The Thai baht plunged to a record low against the dollar today, after the government floated the currency, ending uncertainty over Thailand’s exchange rate policy. The flotation devalued the baht by 15-20% while the Stock Exchange fell by 7.9%. It’s the latest in a series of surprise measures by authorities trying to boost the economy, which is suffering its worst slump in over a decade.

Titigil siya. Magdidilim sa kaniyang lugar, bagaman naaaninag pa siya. Liliwanag ang spotlight sa LALAKI A, na nakatayo, gaya ng isang poste hábang nagmomonologo. Hábang nagsasalita siya, inaayos ni ISABEL ang kaniyang makeup, blusa, binabása ang kaniyang mga papel, atbp.

LALAKI A

May panaginip ako kagabi.
Naghihintay ako ng elevator, nang marinig ang mahinang taginting ng pagdating. Bumukas ang pilak na mga pinto at pumasok sa mundo ng mga salaming dingding at sahig na marmol. Pinindot ko ang buton na nagsasabing “G” para sa “ground”, at umilaw ito, isang matingkad na dalandan. Sumara ang mga pinto, at tumingala para makita ang pagtakas ng dalandang ilaw mula sa isang bilog tungo sa isa.
Tapos nakaramdam ako ng nakakahindik na pagkabig, at hinila ng grabedad ang puso ko mula sa katawan.
Bumigay ang sahig.
At nagliparan ang mga dalandang ilaw, dumadagitab sa lahat ng buton.
Nahuhulog ako.
At hindi makahabol ang katawan ko.
Kumawala ako sa dingding ng elevator.
Walang sahig, walang lupa.
Bumulusok ako sa kaibuturan ng daigdig. Tungo detretso sa “G” para sa grabedad. At nang naisip kong tapós na ang lahat, nang makarating sa “G” at naisip kong makakahinga na muli ako… hindi pa palá tumigil doon.
Patuloy akong nahuhulog.

Magdidilim ang ilaw kay LALAKI A, at liliwanag kay ISABEL.

ISABEL

Indonesia succumbed to speculative attacks and floated the rupiah today. The rupiah dove on the news, plunging about four percent, while Indonesian stocks dropped to a 13-week low.

Muli, titigil siya, hábang nagdidilim sa kaniyang lugar. Spotlight kay LALAKI B habang nagbibigay siya ng monologo.

LALAKI B

May panaginip ako kagabi.
Nanaginip akong nakatayô sa dulo ng isang suspension bridge.
Tulay sa pagitan ng dalawang hiwalay na lupain, bituka ng bakal at aspalto, sa ibabaw ng bumabahang ilog. Matibay upang bumuhat ng walumpung kotse nang sabay-sabay, na may malalakas na alon dalawampung talampakan sa ilalim.
Nakatayo ako sa dulo, may exhaust sa buhok, nakahawak ang kamay sa mga talìng bakal, punô ang bulsa ng barya upang makabayad ng toll. Sa pagtingin sa ibabâ, may lamat na gumagapang sa ilalim ng mga sapatos ko.
Nabasag gaya ng balát ng itlog ang solidong lupa.
At nahulog ako.
Tumalsik sa mukha ko ang piraso ng bakal at aspalto, dumadaplis sa balát.
At nang maramdamang kailangan ko nang tumigil, nang marating ng sakong ang matigas na rabaw.
Hindi pa palá tumigil doon.
Bumulusok ako sa magaspang na rabaw ng tubig, hinihila ako ng bigat ng mga barya sa bulsa.
Hanggang tuluyang balutin ng tubig, at natakpan ang lalamunan at bibig.
Ngunit hindi tumigil doon. Patuloy akong nahuhulog.

Magdidilim sa LALAKI B, liliwanag muli kay ISABEL.

ISABEL

The South Korean won ended at a record low this afternoon, after the government declared that it would no longer defend the currency.
The won smashed through the psychologically significant 1,000/dollar level in a single breath, while the stock index lost more than 4%.

LALAKI C

May panaginip ako kagabi.
Nanaginip akong nása tuktok ako ng dambuhalang metal crane.
May bálag ng makináng na pilak at may kalawit na ginto.
Mákináng lumilikha ng mga imposible, at ako, naroon sa ituktok nitó.
At hábang nanonood, may botas ang mga paa at may helmet sa ulo.
Lumabo ang crane, nangalawang, at naging malatansong pula.
Umaakyat sa itaas ng metal ang kalawang.
Tumawid sa mga botas ko ang nadudurog na mga piraso.
At sa ilalim ko, tíla kinakain ng asido ang metal.
Lumalalim ang kagat sa bawat sandali.
Ang sugatán, natutunaw na laman ng isang ketongin.
Nadudurog ang kalansay na ito.
At nahuhulog ako.
At nagtatayuan ang bloke ng mga gusali upang durugin ako. Nakakasilaw ang kanilang matutulis na haligi sa sinag ng araw.
At naging isang libong piraso ang katawan ko.
Pinilas mula sa buto ang laman, nginasab.
Ngunit hindi tumigil doon. Patuloy akong nahuhulog.

ISABEL

And that’s all that we have time for tonight. I’m Isabel Cheong, thank you for joining me. The next news bulletin will be at 10 o’clock tonight. Have a pleasant evening.

Lalakas ang musika habang papatapos ang balita at magdidilim ang ilaw kay ISABEL. Makikita natin ang kaniyang silweta, tinitipon ang mga papel, at inaayos ang mga ito.

Sa huli, huhugutin niya ang isang pahina, at mamamatay ang ilaw. Ngunit, nakabukas pa rin ang mga set ng telebisyon, at nagbabalita pa rin siya, nagsasalita, kahit na walang tunog. Lumilibot ang mga lalaki sa mga set ng telebisyon, tinitingnan siya nang may pagsambang paghanga.

1.2. PAGSAMBA

LALAKI A

Isabel mahal, napakaganda mo ngayong gabi.

LALAKI B

Isabel, napakahusay.

LALAKI C

Langit, Isabel, langit.

LALAKI A

Kung paano ka nagtaas ng kilay, ganiyan. Ganiyan.

LALAKI B

Binigkas mo ang kontrobersiya, sa paraang dapat itong sabihin.

LALAKI C

Ang banal na brotseng suot mo.

LALAKI A

Kung paano mo inangat ang sulok ng iyong mga labi. Isang ngiti, matipid.

LALAKI B

Kon-tro-ber-si-ya. Hindi kon-tro-ber-sha.

LALAKI C

At ang iyong suot. Anong ganda.

LALAKI A

Tila Mona Lisa. Na may mga mata ni Gauguin.

LALAKI B

Wala akong ibang kilalang bumibigkas nang tulad mo.

LALAKI C

Ang berdeng iyan ay ikaw.

LALAKI A

At ang iglap na pagyuko nang namaalam.

LALAKI B

Pinasaringan si Michel Camdessus. Ryutaro Hashimoto. Chavalit Yongchaiyudh. Bacharuddin Jusuf Habibie. Walang kahirap-hirap.

LALAKI C

Hindi mas cheap sa Chanel, tama ba?

LALAKI A

Kinikilala, dinadala kami, ngunit pinanatili ang distansiya.

LALAKI B

At ang EDB, PIE, MOE, AYE, TDB, NWC. Walang pagtisod.

LALAKI C

At ang mga diyamante sa tainga. Di napapansin, ngunit class.

LALAKI A

Ikaw ang pinakakahanga-hangang babae. Sa lahat.

LALAKI B

Dinadala ako ng tinig mo sa ibang lupain.

LALAKI C

Gagawin ko ang lahat para sa iyo, alam mo ba?

LALAKI A

Kung hiling mo, susunugin ko ang sarili ko.

LALAKI B

Tatalon sa pinakamataas na gusali.

LALAKI C

Mamamatay para sa iyo.

LALAKI A

Di ko mapigilan. Nahuhulog ako.

Magdidilim. Maririnig ang isang juke-box na may tono ng “Can’t help falling in love.”

1.3. PANGALAN

Hinubad ni ISABEL ang kaniyang jacket. Siya na ngayon si INA, may simpleng tank top, maluwag ang pagkakatali sa buhok, walang make-up. Maaaring magkaedad si INA at ISABEL, o mas bata nang ilang taon. Magdidilim sa lugar ni INA, na makikitang kabado at bata, kuyom ang isang pahina ng papel sa dibdib.

May asentong Indonesian si INA kapag nagsalita, at halos maririnig siyang nahihirapan sa wika. Ipakikita ni INA ang piraso ng papel, na may nakasulat na dalawang karakter na Tsino. Ito ang papel na hinugot ni ISABEL sa salansan ng papel sa kaniyang mesa.

INA

Hello. Ina ang pangalan ko. Nakatirá ako sa Jakarta at nag-aaral sa unibersidad. Gusto kong maging civil engineer. Kaunting babae lang ang nag-enrol dito, ngunit sa tingin ko napaka….makapangyarihan nitó. Makakakita ka ng tambak o construction site, punô ng basura. Mga piraso ng kahoy, balde ng semento, baság na salamin, at sala-salabid na mga kable. Makalat. Nakakadiri. Marumi. Pero… pero pagsasama-samahin mo ang mga piraso, unti-unti, hanggang sa maging isang magandang estruktura ito. Kumikinang. May tuwid na mga gilid. Wala nang tabingi, o marumi, o baluktot. Kailangan mo lang ng kaalaman. Upang buoin ito. Ayusin ang jigsaw. Bawat pakò, bawat tornilyo ay may kalalagyan. Iyon ang kapangyarihan. Sa tingin ko. Ang pagbuo.

Titigil.

May iba akong pangalan. Pero di ko masyadong ginagamit.
Katunog ng Ina, pero iba ang hitsura.

Ilalabas ang piraso ng papel na may karakter na Tsino, at ipakikita sa audience.

Ito ang pangalan ko. Ina. Ai nah.
Maganda, di ba? Ai nah.
Nakikita mo ang mga guhit? Tulad ng kilay ng isang magandang babae.
Makapal at matatag. Matulis.
Umaarko mula sa isang dulo ng páhiná hanggang sa kabila.
Pero kung paghihiwalayin, magiging ordinaryong mantsa ng tinta sa puting papel.
Maruming piraso ng papel, na lulukutin mo at itatapon.

Pero kung pagsasamahin, sa tamang paraan, saká mo makikitang may kahulugan ang bawat bahagi.
May ibig sabihin ang bawat pilantik ng pinsel.
Pagsamahin mo, at ako iyan. Nakita mo?
Ina.

Titigil siya, at lilitaw ang mga lalaki, ang kanilang mga anino ay papalibot sa kaniya. Sa monologo ni INA sa ibaba, ibubulong ng mga lalaki ang tatlong opisyal na dokumento, o kung maaari, ay naka-project ito sa ulo ni INA.

INA

Ayaw ng tatay kong gamitin ko ang pangalan kong Chinese.
Estrikto siya, ang tatay ko. Hindi yumayakap o humahalik sa kaniyang mga anak.
At ayaw niyang nagsasalita ng Chinese ang mga tao sa bahay.
Kayâ siguro hindi niya ako tinuruan.
Hindi ako natuto.
Hindi ako makasulat, makabása.
Isinulat iyan ng lola ko. Matagal na.
Di ko alam kung ano’ng ibig sabihin.
Mga itim na guhit lamang iyan.

Susuko.

Ngunit hindi.

<<Ang Tatlong Batas:

LALAKI A

Tinutukoy ng “Presidential Instruction on Chinese Religion, Beliefs, and Traditions” na ang manipestasyon ng relihiyon at paniniwalang Tsino ay maaaring magkaroon ng “di-kanais-nais na sikolohiko, mental, at moral na impluwensiya sa mga mamamayang Indonesian at pipigilan ang proseso ng asimilasyon.” Ipinagbabawal nitó ang pagsasagawa ng Chinese religious festivals sa publiko at sinasabing kailangang panatilihin sa loob ng bahay ang relihiyosong pagsasagawa ng mga tradisyong Tsino.

LALAKI B

Pinapayagan ng “Instruction of the Ministry of Home Affairs No. X01/1977 on Implementing Instructions for Population Registration” ang mga espesyal na kowd na ilalagay sa mga dokumento ng pagkakakilanlan na tutukuyin ang etnikong pinagmulang Tsino.

LALAKI C

Hindi pinahihintulutan ng “Circular of the Director General for Press and Graphics Guidance in the Ministry of Information on Banning the Publication and Printing of Writings and Advertisements in Chinese” ang paggamit ng Chinese sa isang diyaryo na Harian Indonesia sa dahilang pipigilan ng diseminasyon ng mga materyales na nakasulat sa Chinese ang layunin ng pambansang pagkakaisa at ang proseso ng asimilasyon ng etnikong Tsino.

>> 
Sa pagtigil ni INA sa pagsasalita, magsasalita nang may normal na lakas ang koro, mahinahon.

LALAKI A

Ipinagtatanggol kitá sa mga bagay para di mo ako maging katulad.

LALAKI B

Pinahihintulutan kitáng makihalubilo, upang mapadali ang proseso ng adjustment.

LALAKI C

Ipinagtatangol kitá sa mga bagay na ikapapahamak mo paglaon.

LALAKI A

Sa mga damdaming makagagalit.

LALAKI B

Sa mga salaming makasusugat.

LALAKI C

Sa mga apoy na makasusunog.

LALAKI A

Sinusubukan kong ipagtanggol ka.

LALAKI B

Kung maaari kang hagkan noon, gagawin ko.

LALAKI C

Kung maililigtas ka, gagawin ko.

LALAKI A

Hindi ka hahayaang mahulog.

LALAKI B

Masunog.

LALAKI C

Mamatay.

Hábang nagsasalita silá, magdidilim din sa kanilang lugar, hanggang sa tuluyang maging madilim.

1.4. TEORYA A (MANSANAS)

Magliliwanag kay LALAKI A, na nagsuot ng salamin upang magmukhang isang propesor. Maraming naka-project na mga pampropesyonal na tsart sa kaniyang likod. Nagpapatuloy ang musika habang nagsasalita si LALAKI A.

LALAKI A

Mga ginoo at binibini.
Alam ko. Gusto ninyong maláman kung bakit. Bakit?
Kayâ, sasabihin ko kung bakit. Ipaliliwanag ko nang eksakto at tumpak kung bakit naganap ang krisis ekonomiko ng Asya. Para rito, kailangan ko ng boluntaryo.
Kung maaari ay iyong may dalang prutas. Iyong prutas na may sapat na tibay at tigas. Iyon sanang may mansanas. May boluntaryo na ba tayo?
Oo, ikaw sir!
Ikaw ay may… Hindi, dalandan iyan. Hindi iyan puwede. Kailangan ko ng may mansanas. Tama, isang malutong, sariwa, masarap, makintab, pulang-pulang mansanas. May boluntaryo na ba tayo? Oo? Wala?
Iyan, may mansanas ka ba, sir? Mayroon? Perpekto! Halika na, Sir, at para makilala ka namin.
At ano ang iyong pangalan?

LALAKI C

Cecil. (nahihiya)

LALAKI A

Cecil. Kaygandang pangalan. At napakagandang mansanas iyan.

LALAKI C

Salamat.

LALAKI A

Salamat Sir, sa pagboboluntaryo sa aking demostrasyon. Ngayon, maaari ko bang makuha ang mansanas? Kung maaaring umupo sa banda doon. Mahusay, mahusay. Tama. Maaari na ba? Salamat.

(Aakyat siya sa silya, na tila nasa itaas ni LALAKI C.)

Ngayon, mga ginoo at binibini. Tingnan, isang maganda’t mapulang mansanas. At isang lalaki, sa ibaba.

(Nahihiyang itaas ni LALAKI C ang kaniyang kamay.)

LALAKI C

Pasintabi sir.

LALAKI A

Ano iyon?

LALAKI C

Hindi ka… hindi ba?

LALAKI A

Ano?

Titingalain ni LALAKI C ang mansanas sa kaniyang uluhan. Susundan ni LALAKI A ang kaniyang tingin, at tatawa.

LALAKI A

Hindi, hindi. Sir, ano ang naiisip mo? Hindi ko intensiyong saktan ka.

LALAKI C

Talaga?

LALAKI A

Hindi.

LALAKI C

Mabuti kung gayon.

LALAKI A

Siyempre hindi. Pangako.
Anumang mararanasan ay pawang teoriko lámang.

LALAKI C

Talaga?

LALAKI A

Oo nga. Sa teorya, hindi ito magiging masakit.
Ngayon, gaya ng sinasabi ko, mga ginoo at binibini. Ang mansanas. At si Cecil.
Dalawang posibilidad. O maaaring tatlo.
Kung bibitiwan ko ang mansanas na ito.
A) Mahuhulog ito at tatama sa ulo ni Cecil.
B) Lulutang ito sa hangin.
C) Wala sa nabanggit. Sa ibang salita, maaaring lumipad gaya ng lobo o isang banoy. O iikot sa aking uluhan. O masusunog. O sasabog at magpipira-piraso.
May daan-daan, o bilyong bagay na maaaring magawa ng mansanas na ito. Walang hanggan ang mga posibilidad. Bakit, kung marami itong magagawa, mahuhulog ba ito?
Bukod sa mumunting teoryang ito na karaniwan na sa marami sa atin.
Sa classical mechanics, tinatawag itong unibersal na puwersa ng atraksiyon na nakaapekto sa lahat ng matter. Tinatawag ito ng iba na grabedad. Isang batas ng pisika.
Ngunit, ano nga ba ang mga batas kundi mga tuntuning kailangang baliin?
May hinuha akong ganito ang nangyari sa Asian currency crisis.
Kung ano ang tumaas ay bumaba, at espektakular na bumaba.
Kinakailangan ba? Siyempre, hindi. Maaari itong gumawa ng daan, bilyong ibang bagay,
Ngunit ginawa ba ang bilyong bagay na iyon? Siyempre. Lahat ay mabuti sa teorya.
Ngunit haka lámang.
Ngayon. Sa mga salita mismo ni Sir Isaac Newton.

(Bibitiwan niya ang mansanas, at eksaktong mahuhulog sa ulo ni LALAKI C)

LALAKI C

Aray!

LALAKI A

Napatunayan ko na.

Ang musikang humina sa background ay unti-unting lalakas, hanggang sa lunurin nito ang iba pang ingay.

IKALAWANG YUGTO: KAGULUHAN

2.1. CHEERLEADING

Muling maririnig ang musika para sa balitang pang-alas siyete, mas malakas at mas nakayayamot. Naka-project ang isang malaking trading screen sa likod, na may lumilitaw na numero ng mga currency at share prices. Ang yugtong ito ay may natatarantang enerhiya ng isang abalang trading floor. May hawak na makináng, fluorescent na pom-poms ang tatlong lalaki at magtsi-cheer sa kanilang currency gaya ng all-American cheerleaders. Labis silang sabik, habang ginagawa ang kanilang desperado, enerhetikong cheerleading routine, at ang bawat galaw ay maaaring tumukoy sa buy/sell. Si ISABEL, gaya ng dati, ay nakaupo sa kaniyang desk, binabása ang balita.

ISABEL

Good evening and welcome back. This is Isabel Cheong with more on the Asian currency meltdown.
Asian currencies plunged as confidence on the region deteriorates.
After more than thirty years of explosive growth, this crisis is taking the Asian Tigers by surprise. Investors are starting to panic.

LALAKI A

Handa na ba kayo?

LALAKI B AT C

Handa na!

LALAKI A

Sabihin sa ’kin, ano ang bottom line?

LALAKI B AT C

Ang dollar sign!

LALAKI A

Hindi ko kayo naririnig! Ano ang bottom line?

LALAKI B AT C

Ang dollar sign!

LALAKI A

Ang dollar sign?

LALAKI B AT C

Ang bottom line! Yeah!

ISABEL

(July 2) Thailand floated the baht in a bold move which sent shock waves through Southeast Asia today. This resulted in a 20 percent plunge in the baht.

LALAKI A

Ano’ng hinihintay natin?

MGA LALAKI

(Cheer) Mayro’n kang guhit! (Clap clap)
Mayro’n kang pangalmot (clap clap)
Mayro’n kang guhit mayro’n kang pangalmot!
Go tiger! Yeah!

ISABEL

(July 24) Asian currencies plunged to new depths on Thursday. The Thai baht, which led the decline, hit a low of 32.70 to the dollar.

MGA LALAKI

Isa akong tiger, pakinggan ako!
Hindi ako bubulusok! (uungol)

ISABEL

(Aug 14) Indonesia succumbed to speculative attacks and floated the rupiah, which plunged by four percent after markets opened.

MGA LALAKI

Go tiger, go tiger, go tiger…

ISABEL

(Sep 4) Asian currencies plunged on the news. The ringgit dropped by more than four percent in two hours as Malaysia renewed calls for a ban on currency trading.

LALAKI B

Mga walang-hiyang foreign speculators!

LALAKI C

Umalis kayo!

LALAKI A

Mga bobo!

MGA LALAKI

S-O-R-O-S ano’ng makukuha?
B-O-B-O iyon ang makukuha!
Sinong inmoral? Hulaan!
Sino’ng nandaraya? Sino!
S-O-R-O-S ang B-O-B-O!!!

ISABEL

And now, a word from our sponsors.

2.2. TIME OUT

<<Pasintabi ng mandudula: Walang numerong nasaktan sa rekonstruksiyong ito.

MGA LALAKI

Tanging mga numero ang bumubulusok.
Tanging sa papel.
Tanging para sa mga naniniwala.
Na tunay ang mga numero.
Na maaari mong yakapin ang pagkawala ng 800 milyong dolyar.
Na ang 5% pagbabâ ay pagputol ng iyong mga daliri.
Ang 10% pagbabâ, pagkawala ng mga bisig.
Ang 20% pagbagsak, pagkaputol ng dalawang paa.
Ang 30% pagbulusok, pagkaputol ng mga biyas.
Di ka na mabubuhay lagpas sa 30%.
Hindi na.
Mawawala ang iyong mahahalagang bahagi.
Ang atay, bato, sikmura, puso.
Mawala ang 80%, at isa ka na lámang utak sa banga, nasa mesa.

WAKAS NG TIME OUT>>

Magliliwanag kay INA sa entablado, nanonood ng balita sa isa sa mga iskrin ng telebisyon.

INA

Kapana-panabik ang mga panahong ito. Binabása ang diyaryo, pakikinggan ang sinasabi nilá sa balita. Ibang mundong kaiba ng sa akin. Mga lalaki na may mahabàng manggas at kurbata, nagpapasiya, may mga negosasyon. Hindi lang libo o laksa. Pero milyong dolyares na negosasyon. Minsan puwedeng bilyon. Malalaking numero, hindi ko na matalos.
At ganoon na lang. Sa pagklik sa isang buton, isang salita mula sa kanilang bibig.

Kayâ sabi ng tatay ko, walang kuwentang mag-invest sa stock market. Mapanganib, mabilis mag-iba ng ihip ang hangin. At maaaring mawala ang lahat sa mga tao, wala sa kanilang kontrol. Gusto niyang kumita sa tradisyonal na paraan. Maliit na negosyo, magsipag. Hindi ka kikíta nang malaki, pero makikilala mo ang iyong mga kostumer, at kung magsisipag at gagawin ang tama, nása mabuti kang lagay. Magiging ligtas ka.
At iyon ang mahalaga.

Magdidilim kay INA. Magliliwanag muli kay ISABEL sa kaniyang desk, at sa tatlong lalaki na nagpapahinga. Hapo silang tatayo at maghahanda para sa isang round cheerleading.

ISABEL

Welcome back to the eleven o’clock news.
(Nov 17) We now turn to South Korea, where the currency was sent smashing through the 1,000 won per dollar level this morning.

MGA LALAKI

Panalo ka, baby, panalo, gusto mo ’yang won na ’yon!

ISABEL

(Nov 19) Determined to save its currency without turning to the IMF, the South Korean government announced a sweeping set of measures to stem the country’s crisis.

MGA LALAKI

Nanalo ako, baby, nanalo baby, gusto ko ng won na ’yon!

ISABEL

(Nov 20) The response to South Korea’s self-rescue measures was not encouraging. After half an hour of trading the won plunged to 1, 139 won per dollar.

Magtitipon ang mga lalaki upang talakayin ang kanilang estratehiya sa cheerleading. Susubukan muli nila, sa ngayon.

MGA LALAKI

Bigyan ako ng I! (I!) Bigyan ako ng M! (M!) Bigyan ako ng F! (F!)
Ano’ng makukuha? Cash!
Di kitá marinig! Cash!
I-M-F! Cash!

ISABEL

(Dec 4) Seoul stocks saw its largest single day gain after Korean officials and IMF signed a letter of intent promising Korea %57 billion.

MGA LALAKI

Gagawin nilá ang I-M-F-Cash sa tono ng Y-M-C-A.
Kailangan natin ng I-M-F-Cash!
Kailangan natin ng I-M-F-Cash!
Naroon ang lahat ng iyong kailangan
Patí ang mahusay na kalalakihan
Masayá doon sa I-M-F-Cash

ISABEL

Labour unrest in South Korea has been sparked off by the IMF demands for tougher laws on layoffs.
A factory worker at a South Korean shipyard died after setting himself on fire in support of a cancelled general strike.

Malulungkot ang mga lalaki. Biglang sisigaw si LALAKI C kay ISABEL.

LALAKI C

Masayá ka na ba ngayon? Ito ba’ng gusto mo?

Hindi siya papansinin ni ISABEL at magpapatuloy sa pagbabasa.

ISABEL

We now turn to Indonesia, where President Suharto has signed an agreement with the IMF that requires him to dismantle the monopolies and family-owned businesses that marked his 32 years of rule. But markets were not impressed and the rupiah plunged through the 15,000 per dollar level. The currency has lost 80% of its value since last July.

LALAKI A

Halina, kaibigan. Naro’n na ang utak sa banga.

(Susubukan muli ng mga lalaki ang I-M-F-Cash cheer, mas desperado ngayon.)
Bigyan ako ng I! (I!) Bigyan ako ng M! (M!) Bigyan ako ng F! (F!)
Anong makukuha? Cash!
Di kitá marinig! Cash!
I-M-F! Cash!

ISABEL

(Feb 14) IMF has threatened to cut off funds for Indonesia over its controversial plans to establish a currency board.

LALAKI C

(kakanta) Wag mo akong diktahan sa gagawin.

ISABEL

(Mar 6) IMF delays a planned $3 bil disbursement to Indonesia.

LALAKI A

(Kakanta) Wag mo akong diktahan sa sasabihin.

ISABEL

(April 21) Indonesia is launching a series of reform measures agreed to with the IMF.

LALAKI B

(kakanta) Kung makakakuha ng cash sa iyo
Wag mo akong ilalantad

Habang nagpapatuloy si ISABEL sa pagbabalita, tuluyang madedesmaya ang mga LALAKI sa binabasa niyang balita, ngunit sa iba-ibang paraan.

Magpapatuloy sa pagkanta ang LALAKI B, samantalang mag-a-I-M-F cheer ang LALAKI A at gugulihin si ISABEL ni LALAKI C. Hanggang sa mas lalakas ang kinakantang Three Blind Mice ni ISABEL.

ISABEL

These measures include the removal of subsidies for fuel and electricity, which will lead to domestic price hikes.

LALAKI A

Bigyan ako ng I! (I!) Bigyan ako ng M! (M!) Bigyan ako ng F! (F!)
Anong makukuha? Cash!
Di kitá marinig! Cash!
I-M-F! Cash!

LALAKI B

(kakanta) Dahil malakas ako’t gusto kong maging malakas
Malayà ako’t gusto kong maging malayà
Upang mabuhay nang nais ko
Sabihin at gawin ang anumang nais ko.

LALAKI C

(maiinis) Ba’t di mo kami lubayan? Lubayan mo kami! Ano’ng sinusubukan mong gawin? Tumigil ka! Kung puwede manahimik ka! Tumigil ka, boba! Ano’ng gusto mo mula sa ’kin? Dugo? Boba! Mandaraya!

ISABEL

(magpapatuloy sa pag-uulat nang normal ang tinig, kahit na maging katawa-tawa ang nilalaman ng balita)
And Asian currencies plunged again on the news. Bagsak ang Asian currency.
Bumagsak. At Bumagsak.
Ang tatlong dagang bulag.
Silá ay tumatakbo. (Unti-unting aawit.) Silá ay tumatakbo.
Lahat silá ay tumakbo sa kaniya. Nahúli’t pinutol ang buntot nilá.
Nakakita ka na ba sa búhay mo, tatlong dagang bulag. 

Patuloy siyang kakanta, mas bibilis, at ang mga lalaki, na noong una ay di siya pinapansin ay sasali, isa-isa, sa pag-awit. Mas magwawala sila. Bahagyang didilim ang ilaw sa kaniya, at mawawala ang kaniyang tinig, hanggang sa tanging ang mga lalaki ang kumakanta, at tumatakbong natataranta sa loob ng silid. Sa hulí, babagsak silá sa sahig, pagod.

Magliliwanag kay INA.

2.3. LAMAT

INA

Nabubuhay táyong di nag-iisip.
Sa halos lahat ng oras.
Nabubuhay táyong di pumipili. Di nga natin alam kung paano.
Nakaupo ako sa bahay at binabása ang diyaryo, nanonood ng balita. Tungkol sa ibang tao.
Ibang táong binabago ang búhay ng iba, binabago ang mga bagay.
Ibang táong nagpapasiya para sa atin.
At tingnan mo kung ano’ng nangyayari

Hindi puwedeng magpatuloy ang ganito. At hindi magpapatuloy.
Isa itong pagkakataon. Isang lamat sa sahig.
At lulubusin namin ito.
Nagpasiya kaming magkakaklase.
Búkas, pagkatapos ng klase. Pupunta kami sa rally.

Hin…hindi ko masabing gusto ko noong una.
Pero, pinag-isipan ko.
Buong búhay ko. Nakaupo ako dito, pinanonood ang ibang mabuhay para sa akin.
Ito ang lamat. Ang pagkakataong kailangang sunggaban.

Magdidilim kay INA ngunit makikita pa rin siyang nakatayo sa entablado.

Maririnig sa radyo ang boses ni LALAKI A. Isa siyang reporter, maaaring isang US Correspondent para sa CNN o katulad, live sa eksena. Walang tigil sa pagsasalita, medyo garalgal dahil sa kasisigaw, at nasasabik sa pangkalahatan na nása gitna ng gayong sitwasyon. Maririnig ang boses ng mga estudyanteng nagtsa-chant ng mga islogan, atbp sa background.

LALAKI A

Nakatayo ako sa labas ng kampus ng Unibersidad ng Indonesia kung saan payapang nagra-rally ang mga estudyante laban sa pinakabagong pagtaas ng presyo ng mga bilihin gayundin sa mga repormang politikal at ekonomiko. Libo-libong mga estudyante ang nakaupo sa kalsada sa labas ng kampus, nakikinig sa mga talumpati at isinisigaw na mga islogan.

Nakikinig nang mabuti si INA sa programa. Liliwanag ngayon kay INA, na nakikipagsagutan sa kaniyang di-nakikitang ama.

INA

(sa tatay)
Hindi! Hindi, Papa! Ayoko.
Hindi mo puwedeng idikta kung ano’ng gagawin ko.
Hindi kami makikipag-away. Hindi ito para sa dahas.
Hindi ito libangan. Sa tingin mo napakabatà pa namin, walang pinagkatandaan.
Ano ba’ng dapat kong gawin? Manatili sa bahay, magsulsi gaya ng isang matanda?
Bente na ako. Alam ko na’ng gusto ko.
Hindi ako isip-bata.
Hindi.
Wag sanang maging makitid ang utak ni’yo.
Kung nais mong maging duwag, sige.
Dumito sa bahay, isara ang mga pinto. Magkunwaring walang problema sa labas.
Hindi ko dapat sinasabi ito sa ’yo.
Pero akala ko maiintindihan mo.
Na kailangan ito.
Hindi táyo dapat pumayag na diktahan ng ibang tao kung paano táyo mabuhay.
Pakiusap, Papa.
Pakiusap.
(Titigil. Mariing tututol ang kaniyang ama.)
Aargh..
(Dadamputin ang tala nang naiinis, lalamukusin ito at itatapon sa kaniyang ama. Magtutungo sa sulok at magtatampo.)

2.4. TEORYA B (BULA)

TEORYA NG LIGALIG

Biglang magliliwanag kay LALAKI B. Panahon na niya upang magpanggap na propesor. May tunog na masaya’t pambata na maririnig. Mas mainam kung iyong tumutukoy sa pag-ibig, at mga emosyong magaan at masaya (e.g. I’m forever blowing bubbles)

LALAKI B

Inaliw kayo ng pinagpipitaganang kasamahan ko hinggil sa kaniyang bersiyon ng krisis pampananalapi ng Timog Silangang Asya. Nais kong simulan ang presentasyon ko ngayon sa pagsasabing wala akong ibang damdamin kundi paghanga sa aking kasamahan. Ngunit isa itong usaping hindi ako sumasang-ayon. Hayaan ninyong ibahagi ko ang aking idea hinggil dito.

Naturalmente, magiging katuwang ko ang aking magandang assistant dito.

Papasok si LALAKI C, gusot-gusot ang damit, galit, ngumunguya ng bubble gum. Uubo si LALAKI B, nahihiya.

Para sa paghihigpit. Ano’ng magagawa mo?
Puwede bang tanggalin mo ang bagay na iyan sa bunganga mo?

Galit na titingnan ni LALAKI C si LALAKI B . Sisimangot.

Kung hindi.

Ngingiwi si LALAKI C, iluluwa ang bubble gum at ididikit sa likod ng kaniyang tainga.

Nakakadiri iyan.

Pero mas mabuting isubo mo ulit iyan.

Ngingisi si LALAKI C. Isusubo muli ang bubble gum.

Kung iisipin, alam mo, epektibo iyan.

Di-inaasahang ngingiti si LALAKI B.

Gagawa ng malaking bula ang aking buti… assistant para sa inyo.

Hindi siya pakikinggan ni LALAKI C, patuloy na ngunguya. Muling uubo si LALAKI B, at uudyukan si LALAKI C.

SABI KO hihihip ng malaking bula ang assistant ko.

Susunod si LALAKI C. Iiling si LALAKI B.

Hindi, hindi ganiyan. Kailangan paghusayan mo.

Hihinga nang malalim si LALAKI C at hihipan ang isang malaking bula.

Ok na iyan. Salamat. Mga ginoo at binibini, kung titingnan ninyong mabuti ang bulang ito. Pansining hindi ito gaanong malaki, mausok at kalimbahin ito.
Malabo, at hindi madaling pumutok.
Ngunit isipin kung ito’y malaki. At napakalaki, ibig kong sabihin.
Isipin niyong dalawampung beses ang laki nitó.
May limitadong suplay ng hangin ang aking butihing assistant.

Pero kung iisipin ninyo ang perpektong bula. Ganito kalaki.
Kasinlinaw ng salamin. Tatagos ang paningin mo.
At ang pinakamagaan, pinakamarahang dampi na sisira nitó.
Kung hihingahan ko ito, sasabog ito sa sanlibong piraso.

Kaya iyon ang nangyari. Kung paanong nangyari ang perpektong krisis dahil sa perpektong bula.
Lumaki nang lumaki gaya ng pinong kristal na Bohemian.
Ngunit kung gaano kalakas ang paghihip, ganoon kalakas ang pagwasak.
At maiiwan kang basâ ng laway at nginuyang bubble gum.

Kukuha ng matulis na bagay si LALAKI B, isang mahabang karayom na pansulsi, o anuman. Mistulang nag-aalala si LALAKI C ngunit hindi kikilos. May sinasabi siya sa sarili.

LALAKI C

Mm mmm.. mm.

LALAKI B

O? May gusto kang sabihin?

Iiling si LALAKI C, magkikibit-balikat, susubukang kumilos, ngunit bigo.

LALAKI C

Mmm… mmm… mm m

LALAKI B

Mahal na kaibigan, kung ninanais mo ang matamis na tagumpay minsan lámang sa iyong búhay, kailangan mong matutuhang bumigkas. Iyon ang silbi ng iyong dila.
Gayunman.
(Magkikibit-balikat.)
Kailangang magpatuloy ang pagkatuto. Boom.

Tutusukin ni LALAKI B ang bula.
Biglang magdidilim. Tunog gaya ng putok ng baril.

Magliliwanag kay INA. Na nakaupo, tila gulat.

INA

Sabi nila zero. No’ng una.
Zero. Tapos Isa. O Dalawa.
Hindi. Apat. O Anim? Di ko alam.
Lahat mga bilang. Wala akong pakialam. Wala namang mababago.
Mayroon ba? Anim. O animnapu. Siguro anim na daan?
Maririnig mo’ng mga taong namatay sa digma. Palagi. Saanman sa Serbia. Gitnang Silangan. Sa ibang lugar.
Pero hindi ito digma.
(Tigil.)
Kayâ bakit may mga tama ng baril?
Hulí kong narinig ay anim. Pero puwede siláng magsinungaling.
Nagsisinungaling na lahat sa panahon ngayon.
Mga basura ang sinasabi ng mga tao. Lalo na ang mga táong nagbabasá ng balita.
Basura palagi. Lalo na ang mga táong nagbabasá ng balita.
Basura lahat. Dapat wala. Bakit anim?
Anim sa ilan.
Hindi na mahalaga. Anim sa anim. Anim sa anim na daan. Anim sa anim na libo.
Kung isa ka sa anim. Kung mahal mo ang isa sa anim. Alam ang kanilang pangalan. Kanilang mukha. Nakipagbiruan sa kanila sa klase. Hiniram ang kanilang notebook. O hinalikan ang kanilang noo, tíla pampasuwerte. O isang sumpa.
Pero anim lang. Hindi pito. Siguro.
Dahil nandito ako. Wala doon.

Sa gabi, hindi ako makatulog. Pero nakahiga ako, nag-iisip.
Pumasok si Papa sa kuwarto ko. Kayâ nagkunwari akong tulog.
Nakatayo lang siya sandali.
Tapos, may ’binulong siya. hindi ko tiyak kung ano, pero sa tingin ko pangalan ko.
Tumayo pa siya nang ilang saglit pagkatapos lumabas na.
Bago siya lumabas, hinalikan niya ang noo ko, tíla pampasuwerte.

Magpapatuloy na bahagyang nakaupo doon si INA, habang umiilaw ang mga television set. Muling maririnig ang musika para sa balita ng alas-siyete, muling nasa mga telebisyon si ISABEL, binabasa ang mga balita. Nakatunganga lamang si INA.

ISABEL

The turning point in Indonesian President Suharto’s a 32 year rule came on Tuesday, (12 May) when riot police opened fire on students from the elite Trisakti University. Six students were killed in the attack. This proved to be the catalyst for a wave of violence, riots and looting, by angry mobs of poor Indonesians.

Habang binabása ni ISABEL ang natitira niyang talumpati sa television set, magsisimulang mag-react ni INA sa mga nababasa sa balita, itutukoy niya kay ISABEL ang kaniyang monologo, at magsasabay ang dalawa.

ISABELINA
The trouble began with a protest by high school students that quickly degenerated into mayhem as people threw stones at anything breakable. The streets were littered with glass when marines and police arrived, firing in the air to send people running into side streets.

Several major buildings in central Jakarta were still burning last night, after mobs of young Indonesians went on a rampage or arson and looting.

Major department stores, grocery stores, banks and petrol stations were vandalised and razed, as were businesses owned by the country’s ethnic Chinese minority and the First Family.

Thick plumes of smoke enveloped the Indonesian capital and fires were raging late into the night. Fire-fighting services remained paralysed as officials were reluctant to send fire fighters onto the streets.

What began as anger against the killing of 6 students at a protest rally has deteriorated into an orgy of pillage and arson. Most of those killed have been youngsters trapped while looting shops in multi-storey malls set ablaze by other rioters.
Sabihin mong nagsisinungaling ka.
Hindi iyan totoo.
Hindi dapat ito nangyari.
Sa radyo.
Sa telebisyon.
Sa mga diyaryo.
Sabihin mong nagsisinungaling ka. Sabihin mo!
Hindi silá nasusunog.
Namímilí sila, di ba?
Hindi silá nagnanakaw. Wag mong sabihin ’yang mga kasinungalingang ’yan.
Gusto natin ng kaunlaran. Pagbabago.
Hindi nasusunog na mga shopping center.
Hindi mga nagnanakaw, sumisigaw.
At namamatay.
Hindi ito.
Tigilan mo ’to. Tigilan mo ’to.
Sabihin mo ang totoo.
Wag mong sabihin ang mga kasinungalingang ’to.
Kung titigil ka lang sana, sa pagdaldal, ay ok na.
Okay, okay, okay.
Sabihing may mga protesta.
At mga rally.
At matatapang ang mga estudyante. Nakatindig silá, magkakapit-bisig.
Mapayapa.
Nagwawagayway ng mga banner. At sa buong mundo, pinanonood silá. At nakikita kung gaano katapang, kapayapang mga tao silá.
Huwag lang, huwag…. Wag kang magsabi ng basura.
Tumigil ka! Tumigil ka!

Titigil si ISABEL, tila nalilito, na parang naririnig si INA na sumisigaw. At magpapatuloy si ISABEL sa pagbabasa.

Susugurin ni INA ang mga television set. Huhugutin ang saksakan.  Huhugutin ang mga kable, atbp.
Sisimulang hampasin ang mga ito, habang magsisimulang maglaho sa mga iskrin ang imahen ni ISABEL.

Lalapit ang mga lalaki kay INA. Ilalayo siya sa mga television set.

At, isa-isa, aalisin ang mga ito. Palihim, ngunit nang may kasiyahan.
Nanakawin nila ang anumang pirasong natira sa sahig. Itutulak ang isa’t isa para makakuha.

Hanggang sa wala nang matira sa entablado, liban sa walang lamang desk ni ISABEL.

INA

At kung nagwakas na.
Kung naisip mong kailangang tumigil na ito. Wala nang natirá.
Pero.
Patuloy itong nasusunog.

Magliliwanag sa walang lamang entablado. Tila nakatulala si INA. Mag-isa.

IKATLONG YUGTO. PAGKAHAWA

Muling maririnig ang malakas na musika para sa balitang pang-alas-siyete,mas malakas kaysa karaniwan at nakaririnding pakinggan. Hindi natin maatim na pakinggan ito. Magliliwanag sa desk ni ISABEL. Wala itong laman. Pakikinggan natin sandali ang musika, titingnan ang walang lamang entablado. Maglalaho ang musika, pagkatapos ay maririnig muli, unti-unting lalakas kaysa nauna, na parang may nais iparating. Sa huli, makikita natin siyang nakatayo sa isang sulok, kipkip ang kaniyang mga tala na parang pinoprotektahan ito. Bubuksan ang bibig upang magsalita. Ngunit hindi niya magawa.

Magsisimula muli ang musika para sa balitang pang-alas-siyete, mas mabilis ngayon. Mas malakas kaysa nauna. Kikilos si ISABEL. Mukhang naalala na niya kung nasaan siya, at mag-aayos, at magtutungo sa kaniyang desk. Magkikibit-balikat at magbabasa ng balita, mga artikulo hinggil sa kaguluhan noong Mayo sa Jakarta. Normal lamang ang kaniyang tinig, kontrolado, ngunit may kaunting kaba rito, at may taranta sa kaniyang mga mata habang sinusulyapan ang silid.  Habang nagpapatuloy, mas mahihirapan siyang magbasa, at madalas tumigil, mga di-komportableng pagtigil habang nahihirapan siyang kontrolin ang kaniyang emosyon.

ISABEL

Good evening. This is Isabel Cheong with the 7 o’clock news on May 17. The death toll from violent riot across Indonesia continues to climb as rescue workers comb through several smouldering shopping centres.

ISABELMGA LALAKI
A total of 499 people were killed in the Indonesian capital and its nearby Tanggerang district, with most the bodies, burned beyond recognition.
All in all, rioters in Jakarta set ablaze over 3000 buildings, 900 cars and 500 motor-cycles.

The military issued today a written statement apologising to the nation and to the Indonesian people for the current conditions.

(Titigil siya. Magpapatuloy, bahagyang nalilito.)

Meanwhile, rescue workers resumed their search of the rubble of Plaza Cileduk in southwest Jakarta. More than 300 looters, mostly teenagers, are believed to have been trapped in a fire at the fourth floor of the shopping complex on Thursday night.
The 134 remains collected so far from Plaza Ciledug will be burned in a mass grave in Tangerang because there is no way to identify them.

(sa huli, tutugon sa mga tinig)

Hindi! Di ko káya.

Aayusin ang sarili.
LALAKI A
Makikita mo sa mga salita.
Ang mukha ng mga tao.

LALAKI B
Maririnig mo sa mga tinig. Ang mga sigaw.

LALAKI C
Madadamá mo ang init sa iyong likod.

LALAKI A
Ang tákot sa iyong puso.

LALAKI B
Ang mga hikbi sa iyong puso.

LALAKI A
Kakagatin mo ang iyong labì hanggang sa magdugo.

LALAKI C
Malalasahan mo ang kanilang dugo sa iyong dila.

LALAKI A
Iisipin mong bangungot ito. Mga anino.

LALAKI B
Maririnig mo ang tinig ng isang dalaga.

LALAKI C
Makikita mo ang mukhang katulad ng iyo.

ISABEL

Paumanhin. (beat) The General Hospital’s morgue has received at least 239 charred bodies collected from the rubble of shopping centres throughout the city.

Hundreds of people flocked to the morgue in search of loved ones who had failed to return home after the shopping centre fire.

Biglang sisigaw si LALAKI A na ikagugulat ni ISABEL at mapuputol ang kaniyang pagbabasa.

LALAKI A

HINDI! Narinig mo ’ko? Sabi ko hindi!
Ngunit di niya ginawa.
Pumunta lang siya para bumili.
Pumunta siya kasáma ang mga kaibigan. Pagkatapos ng klase. Mabait siya. Napakabait. Hindi siya nagnakaw. Hindi siya namuslit. Pagkakamali lahat ng ito.

ISABEL

Hindi. Hindi ko sinabi iyan.

Titibayan niya ang loob. Hindi siya papansinin at ipagpapatuloy ang pagbabasa ng ulat. Magsasalita ring muli ang LALAKI A. Kinakausap ang kaniyang sarili, at si Isabel, hanggang sa magtagpo sa sukdulan ang dalawa nilang talumpati.

Habang nagsasabay ang dalawang monologo, ang nakabold ang siyang mas dominanteng monologo. (i.e. mas malakas at mas naririnig), samantalang tila bulong sa background ang iba pang monologo.

ISABELLALAKI A
Mr. Sani, whose son and daughter died in the ravaged department store, identified his son, Iwan, 21, but failed to find the body of his daughter, Mulyani, 17. The morgue received 44 plastic bags containing the bodies recovered yesterday from the department store in East Jakarta.Sinabi kong manatili siya sa bahay. Sabi ko hindi ligtas. Ngayon, maraming galit. O kaya delikado. Pero sabi niya may usapan na siláng magkakaibigan. Sandali lang daw. Magsa-shopping lang silá. Babalik matapos ang kalahating oras, sabi niya.

LALAKI B

(Tila may kausap) Nagwakas na’ng lahat.

Nasorpresang muli si ISABEL sa panibagong abala, ngunit pababayaan ito at nagpatuloy sa pagbabasa. Ngunit mas madalas na ang pagtigil, at mas mahaba, hábang pinipilit niyang unawain ang mga monologo sa kaniyang paligid.

ISABELLALAKI ALALAKI B
It was burned by rioters Thursday night and at least 198 bodies were recovered. Eleven bodies were found in the gutted shell of the Glodok electronics center in West Jakarta. The morgue also received two bodies from the Ramayana department store in North Jakarta and a further 18 bodies were found in a shopping center in West Jakarta.Sigurado ka? tanong ko.
Siyempre, sabi niya.
At pagtatawanan niya ako.
Ba’t ka nag-aalala?
Walang mangyayari.
Kayâ sabi ko, ok.
At naghintay ako.
Kalahating oras. Walang anak.
Siguro late lang siya.
Punô ang bus o anoman.
Kayâ naghintay pa ako.
Hindi na ako batà. Wala na akong lakas tulad nang dati, pero may karanasan. May katapatan. Alam mo, mahalaga ang mga bagay na ito. Hindi mo mabubura ang dalawampu’t limang taon nang gano’n na lang. Dalawampu’t limang. Taon. Gano’n katagal ako nagtrabaho dito. At ikaw? Hindi ka pa dalawampu’t lima, di ba? Mas matagal pa iyon kaysa iyo.

Sisimulan ni LALAKI C ang kaniyang lektura (Teorya C) sa panahong ito.

ISABELLALAKI ALALAKI BLALAKI C
Police said they had arrested 1,027 alleged looters, several of those were students from various places all over the city. Jakarta Military Commander Maj. Gen. Sjafrie Sjamsoeddin said yesterday that the situation was under control and called for business to resume in the capital. Troops patrolled the city streets in armored vehicles in an obvious move to show they were serious in their threat to take stern action against troublemakers…

Pero nakakarinig pa rin ako ng mga sabi-sabi. Mga alingawngaw ng mga sabi-sabi. Di ko na alam ang paniniwalaan. At ngayon, tanging mukha niya ang nakikita ko. Gaya ng sa akin. Pero nasusunog. O may luha. O nasasaktan. Ano’ng magagawa ko para iligtas siya? Di ko na káya. Di ko na káya ito.

(sisigaw)

Tama na!
Mabait siya.
Hindi niya alam ang gagawin.
Kinse lang siya.
Batà pa.
Hindi siya namuslit.
Hindi siya magnanakaw.
Ba’t mo sinasabing nagnakaw siya? Ba’t sabi mo namuslit siya? Hindi siya nagnakaw.
Nakipagkita lang siya sa mga kaibigan niya. May pera siya pambili. Hindi niya kailangang magnakaw.
Ang sabi ko hindi siya magnanakaw.
Tigilan mo ang pagtawag sa kaniya ng magnanakaw. Hindi ko alam. Kung ba’t di siya bumalik.
Naghintay at naghintay ako.
’Yung ibang tao.
Ang nagpasimula ng sunog sa shopping center.
Na pumatay sa anak ko. Hindi niya kasalanan.
Hindi siya nagpunta do’n para magnakaw. Hindi niya magagawa ang bagay na ’yon.
Wag ni’yo siyang sisihin.
Namatay siya, di ba? Namatay siya sa sunog.
Kinse lang.
Nagpunta ako kanina sa shopping center.
Nang tapos na lahat. Hinanap ko siya. Siguro naroon lang siya, tuliro, pagod. Naghihintay sa ’kin.
Nagsimula akong magtrabaho pagkagradweyt ng hayskul para suportahan ang pamilya. Mahirap, pero wala akong reklamo. Mabuti ang pakikisama ko sa mga katrabaho. Nakikipagbiruan sa boss. May dalawa akong anak na babae. Grade 5 at First Year High School. At ang asawa ko, part-time din ang trabaho. Maayos ang búhay namin. Pero ngayon. Pinalayas na parang aso. Walang babala, sorry lang at paalam, kalimutan mo ang dalawampu’t limang taon. Dalawampu’t limang taon ng dugo’t pawis, alam mo. Cost-cutting, restructuring. Lahat ng meron ako, naglaho. Na tíla nagiba ang bahay. At paano ang dalawang anak ko? Ang asawa ko? Ayokong mahirapan sila. Gusto kong mag-aral siláng mabuti, magkolehiyo. Kasi matutulad silá sa sinapit ko, at paano? Anumang oras, tatanggalin. Anong pakialam nilá sa iyo? Ang pinakamasaklap ay umuwi’t magpanggap na maayos ang lahat. Ayokong mag-alala silá.Mga ginoo’t binibini. Oy! Sabi ko, mga ginoo’t binibini! Makinig, makinig! May mahalaga akong sasabihin. (Maiinis.) Ano ba, tumigil kayo. Alam ni’yo kung ano ’to? Sasabihin ko. Contagion. Iyong walang-hiyang flu! Ang Asian flu! Ang nakamamatay na virus! Kalimutan niyo na’ng tungkol sa mga mansanas at bubble gum at anuman. Totoo ito. Kumakain ng laman, pumapatay.  Naililipat sa pamamagitan ng laway, ang palítan ng mga fluwido ng katawan, o mga mirkobyo sa hangin. Makukuha mo rin ito sa paghaplos sa mga alagang di-pangkaraniwang hayop. O sa paghawak ng kamay. Malalâ ito. Mamamatay ka. Biglaang pagtangis ng sakit ang sintomas nito. Atay na lunod sa mumurahing alkohol. Ang biglang pagkalugi ng bank account. Mga babasaging salamin sa puke ng isa. Biglaang pagkatanggal sa trabaho. Pagkahulog sa ikasampung palapag ng Shangri-la.

Tatahimik ang mga lalaki. Nakatingin kay ISABEL.

ISABEL

(tíla nagsusumamo)  Tama na. Di ko makita. Natuto akong magpikit-mata.
Kailangan ko, sa trabahong ’to. Di puwedeng may maramdaman.
Dahil magiging bagong putok ng baril ito sa bawat araw. Saksak sa sikmura. Pagpapatiwakal.
Binabása ko ang mga balita. Hindi ko isinasabuhay.
Tanging tunog ng aircon ang naririnig ko.
Wala nang iba pa.

Nagsimula muling magsalita ang mga lalaki, mahina sa simula kaya maririnig pa rin si Isabel. At unti-unti, magke-crescendo sila, hanggang magtatagisan sa pagsasalita ang tatlo para marinig, maliban kay ISABEL, na magsisimulang humina ang tinig.

ISABELLALAKI ALALAKI BLALAKI C
Huwag ang mga sigaw, ang mga pagtangis. Huwag ang init, ang ulan. Wala. Pagsabog nang walang mga piraso. Pagbahang walang tubig. Mga aksidenteng walang baság na salamin. Pero…nakita ko ang babaeng ito. May sugat sa mata at mukhang gaya nang akin. Hindi ko alam ang gagawin. Hindi ko alam.

(Hindi makapagpapatuloy.)
Pero wala. Walang makita. Walang natirá. Kahit mga mukha. Mga hugis lámang ng sunog na mga katawan. Masayá ka na? Namatay siya. At walang natirá sa kaniya. Hindi pa ba sapat ito sa ’yo? Ba’t kailangan mong pagalitan siya? Ano’ng mali sa ’yo? Ba’t ka nagsisinungaling tungkol sa kaniya? Tumigil ka! Wag kang magsabi ng kasinungalingan! Sabi ko, tumigil ka!Suwerte ako’t may ipon ako, pero hanggang kailan? At paano maghahanap ng bagong trabaho ngayon? Sino’ng tatanggap sa matanda na?
Hindi ito tungkol sa kabaitan, tungkol sa tao. Tungkol lang ito sa pera.
Sinong may pake kung magutom ako, silá? Ikaw ba? Siyempre hindi! Hindi ka nga nakatingin sa akin! Hindi ka mag-aabala! Wala namang epekto sa ’yo, di ba?
Alam mo kung ano ang mas malalâ? Mga nagmamagaling na newscaster na tingin nila na pinakamatalino sila sa buong mundo. Okay lang daw, sabi nila. Ito ang mapait na katotohanan. Mahigpit dahil umiibig. Pero walang epekto, Binibini. Tumatalab na parang lason. Kayâ mas mainam manahimik ka. Pinakaligtas sa iyo, at para sa iba pa. Kuha mo? Alam mo kung ano’ng pinakamabuti para sa ’yo?

Sa hulíng seksiyon, magtutungo sa iba’t ibang sulok ang tatlong lalaki at sisimulang palibutan siya. Nananakot.

Titingin bigla si ISABEL, na tíla alam ang panganib.

Tatayo siya, yayakaping mahigpit ang kaniyang mga talâ, na tíla pinoprotektahan ito.

At unti-unting papalibot ang mga lalaki. Ang isa ay magtutungo sa mesa, ang isa ay hihilahin ang kaniyang upuan, at tatakbo si ISABEL.

Ngunit magpapatuloy siya sa pagbabasá ng mga artikulo, sa mga loudspeaker, at malalaman nating hindi palá siya ang nagsasalita, ngunit isang taped recording. Walang reaksiyong babasahin ng boses sa tape record ang balita, hábang patuloy na hinahabol ng mga lalaki si ISABEL, at itinutumba ang mga mesa at upuan. Walang ingay ang labanan, tumitindi, habang padami nang padami ang mga tagabasa ng balita na nagpapatong-patong sa iisang tinig. Ang bawat isa ay may parehong tinig ng kontroladong pagkataranta. Lahat nagbabasa hinggil sa May riot. Una, isa at may iba pang tinig, hanggang sa hindi na makilala ang mga salita dahil sa halo-halong tinig. Sa sukdulan, sa paghúli kay ISABEL ng tatlong lalaki at pag-agaw ng kaniyang jacket sa kaniya, paghila sa klaniyang sapatos, pagsabunot sa kaniyang buhok, atbp.

Unti-unting magdidilim sa silid, hanggang sa patuloy na magdidilim at maririnig na lamang natin ang mga tinig, napakalakas sa dilim.

Sa unti-unting pagbubukas ng mga ilaw, hihina ang mga tinig. At tanging naroon si ISABEL na nakasadlak sa sahig. Susubukan niyang magsalita ngunit garalgal ang boses, bubulong lang. Maaaring ang mga taong pinakamalapit sa kaniya lamang ang makarinig sa kaniya. Ang karamihan sa kaniyang mga sinasabi ay para lamang sa sarili.

ISABEL

Nanaginip ako kagabi.
Pinuntahan ako at ginahasa ako, lahat sila. Isa-isa.
Hinila pababâ ang panty ko.
Pinilit pumasok sa akin, isa-isa.
Hindi ako makapiglas sa kanila.
Walang silid na maaaring maisara.
Pinunit nilá ang kaluluwa ko, pinilit buksan.
Pinasok akong ulit-ulit ng kanilang mga titi. Kung sa bibig lang sana ay puwede kong kagatin, pero di nilá ginawa.
Dalawa ang humawak ng mga binti ko hábang ang pangatlo ang labas-masok.

Wala nang nása loob ko ngayon. Wala na.
Tanging puwang lámang.
Pagkatapos ng ilang sandali, hindi na gútom, hindi na gálit.
Hindi na tao.
Isang halimaw na ang nabuhay.

At ako?
Hindi ko na maisara ang nása gitna ng mga binti ko.
Hindi ko na maisara.
Lagi ko nang bitbit ang naiwang puwang.
Hindi ko na maisara.
Ang puwang na tíla bibig na tumatangis ng walang-tunog na kirot.
Pinatahimik ako ng inyong laman, ipinansara ang inyong tamod.

Di ko na maisara.
Di ko na maisara.

Di ko alam. Wala nang laman ang loob ko. Tanging puwang, at hangin.

Bumubulusok ako sa puwang, sa kawalan sa loob ko. Wala nang wakas ito.

Ba’t wala kang masabi? Ba’t wala kang gagawin?

Di mo ba ako nakikita? Di mo ba nakikita?

May aabutin siya, at mapagtatanto niyang hawak pa niya ang mga talâ sa kaniyang kamay. Marahan niyang iuunat ang mga nakalumukos na mga tala sa sahig at titingnan ang mga ito. Ito ang pangalang Tsino ni INA.

Uupo sa sulok, at yayakapin ang mga tuhod.

MAGDIDILIM.

IKAAPAT NA YUGTO. KINAHINATNAN (BILANG NG MGA KATAWAN)

Tumutunog ang mga gong na tíla walang sinusundang ritmo.
Isang makitid na spotlight sa iniunat na piraso ng papel sa sahig.
Nakaupo sa sahig si INA, sa dilim.

INA

Nagwakas na’ng lahat. O hindi pa ba?
Wala nang natirá.
Pero nakita ko ang mukha mo sa salamin. Tulad ng sa ’kin.
Kayâ ako narito. Kayâ ko ’to ginagawa.
Dahil narinig ko ang boses mo.
Dahil ang mga dugong dumadanak sa sugat sa iyong braso ay aking dugo.

Gagawin ko ito para sa iyo. Ako ang iyong tinig.
Magkakaroon ng katuturan lahat, pangako.
Ito ang aking lamat sa sahig. Ang aking tsansang mabuhay. Para sa iyo.

Magpapakita ang projector ng isang bakanteng parihabang liwanag sa entablado. Magtutungo siya sa gitna ng parihabang liwanag. Malamlam ang ilaw sa kaniyang mukha sa pagsisimula niyang magsalita, unti-unting magkakaroon ng kumpiyansa sa pagsasalita. Bibigyan siya ng presentasyon, maaaring mamamahagi ng mga retrato, folder. Ang sumusunod ay hango sa ulat ng Volunteers Team for Humanity, Early Documentation Number 3 na pinamagatang “The Rapes in the Series of Riots.” Sa buong talumpati ni INA, ipakikita niya ang apat na talahanayan sa projector, isa sa bawat transparency.

Hábang nagsasalita si Ina, nakatayo’t tíla anino ang mga lalaki at iuulat ang mga kaso ng panggagahasa na nakadetalye sa Talahanayan B. Sa simula, hindi silá gaanong maririnig, ngunit hábang nagpapatuloy ang talumpati ni Ina, palakas nang palakas ang boses nilá, na maaari nang makagambala.

INA

Makinig sa akin. Sasabihin ko kung ano ang nangyari. Kailangang may sumuri sa nangyari. Para maunawaan ang mga ito. Para maláman mo kung ano ang nagaganap. Para makita mo.

Tingnan mo. May ulat ako dito, ng TIM RELAWAN UNTUN KEMANUSIAAN (o ang Volunteers Team for Humanity). Early Documentation Number 3. Mangyaring samáhan akong suriin ang transparency na nása screen.

Ifaflash ang Talahanayan A sa iskrin.

1. Lokasyon ng mga Panggagahasa

Sa mga lugar na ito naganap ang mga panggagahasa at pang-aabuso sa Jakarta at sa paligid nitó. Tingnan ang padron. Kung ang riot, ang malawakang kaguluhan at sunog noong Mayo 1998 na naganap sa mga erya ng Jakarta, naganap lámang ang mga panggagahasa sa Kanlurang Jakarta, Hilagang Jakarta, at sa mga lugar na may mataas na konsentrasyon ng mga nakatirá at nagtatrabahong Tsino.

Ipakikita niya ang Talahanayan B sa iskrin.

2. Ang Modus Operandi ng mga Panggagahasa

Gaya ng nabanggit kanina, naganap nang sabay-sabay ang mga panggagahasa at riot. May pagkakatulad ang padrong ginamit sa panggagahasa sa modus operandi ng mga riot. Tiyak na may kaugnayan ang dalawang trahedya sa isa’t isa. Kailangan ding banggitin na nagmula ang mga suspek sa mga insidente sa di-tukoy na mga lugar. Iba silá sa mga residente. Sa ilang kaso, nailigtas ng mga lokal na residente ang mga biktima sa panggagahasa.

Ipakikita niya ang Talahanayan C sa iskrin, magiging maingay na ang mga lalaki at mas makagagambala.

3. Ang mga Biktima ng Mass Raping

Sa mga biktimang naitalâ, 20 ang namatay. Ang iba ay hindi mabuti ang pisikal at sikolohikong kondisyon. Hanggang 3 Hulyo 1998, 168 katao ang nag-ulat na biktima silá ng mass rape at seksuwal na pang-aabuso.

Ifaflash ni Ina ang Talahanayan D sa iskrin, at titingnan nang masama ang mga lalaki.

4. Ang Tákot sa Paghahanap sa Katotohanan

Hindi pa natatapos ang suliranin ng mga biktima. Sa halip…

Titigil saglit, naaabala ng mga lalaki.

Sa halip…

Labis siyang naaabala upang magpatuloy. Hindi siya makapagpatuloy. Naiinis, sisigawan niya ang mga lalaki.

Puwede bang manahimik kayo! Hindi… Hindi ako makapag-isip nang maayos!
Titingnan siya nang masama ng mga lalaki, pero hihinaan nilá ang boses, bumubulong sa isa’t isa. Makikitang hindi na nilá matitiis ang nangyayari. Anumang oras ay itutulak nilá si INA palabas ng entablado.

Sa halip. Sa halip, nagpatuloy ang pananakot, nakadirekta sa kanila, maging sa kanilang mga kamag-anak, mga volunteer, staff sa ospital at mga doktor na gumamot sa kanila. Makikita sa Talahanayan D ang mga katangian ng pananakot at intimidasyon.

Ipakikita ni Ina ang pinal na talahanayan sa iskrin. Retrato ng isa sa mga biktima ng panggagahasa, gaya ng unang kumalat sa internet. Walang oras upang mapag-aralan ito ng audience, nang lumabas ang mga lalaki. Ang isa upang takpan ang retrato sa audience, ang isa upang hugutin ang kable sa projector, ang isa upang hulihin si Ina.

Ngayon ipinakikita ng sumusunod na mga retrato…
Ano’ng ginagawa n’yo? Di pa ’ko tapos. Patapusin n’yo ang… ano…Ibalik n’yo ’yan. Ano’ng ginagawa n’yo? Tumigil kayo…

Aagawin ng mga lalaki ang ulat at mga retrato mula sa kaniya. Magsisimula siláng tumakbo kapag papalapit si Ina sa kanila. Papalibutan nilá siya, pupunitin ang mga retrato at ang ulat, hábang nanonood siyang nahihindik.

Ano’ng ginagawa n’yo… Tigilan n’yo ’yan! Tigilan n’yo! Ebidensiya ’yan… patunay ko.. Tigilan n’yo.

Magpapatuloy siláng palibutan siya habang pinupunit ang mga retrato at itatapon kay Ina, gaya ng cofetti. Hábang ginagawa nilá, ibubulalas ang mga salita, isa-isa.

Sa puntong ito, magsisimula na ring magsalita si Ina.

INAMGA LALAKI
Oo! Ebidensiya ko ’yan!
Ano’ng gusto n’yo?
Wag! Wag sabihin ’yan.
Wag magsabi ng kung ano-ano. Wag.
Hindi ’yan patas.
Hindi! Hindi.. hindi.
Hindi, hindi ako.  

Mapagtatanto niya kung ano ang nangyayari. At ang pagkainis ay magiging pagsuko.

Siyempre. Napakatanga ko. Dapat nalaman ko na.
Bakit di ko naisip?
Di ko kayo malalabanan.
Di n’yo nga nakikita. Di n’yo gustong makita.
’Yun ang pinakamadali, di ba?
Ipinipikit ang mga mata at magkukunwaring di nangyari ang mga ’to. At tatakpan ang mga tainga at magkukunwaring walang naririnig.
Masuwerte kayo. Napakasuwerteng di nakakakita, di nakakarinig.
Masuwerte kayong bulag kayo. At gusto n’yong maging bulag.
Bulag. Bingi. At bobo.
Para di na kayo mag-alala.
Puwede na kayong maging masaya. Oo, tama kayo.
Peke ang mga retratong ito. Kasinungalingan lahat. Basura. Patapon. Walang kuwenta.
Ba’t ko sinasambit ang salitang ito, panggagahasa?
Ba’t ko sinasambit itong kahindik-hindik na salitang ito? Wag magbanggit ng ganiyang uri ng salita.
Ba’t nagagalit agad? Napakapangit na mga larawan.
Hindi, hindi. Nandaraya silá. Nagsisinungaling. Patapon silá.
Walang patunay, walang panggagahasa. Walang panggagahasa, walang pagkaawa.
Paumanhin. Patawad.
Dapat sumigaw pa ako nang mas malakas, para marinig n’yo ako.
Dapat di ko nilabhan ang dugo sa damit, dapat dinala sa inyo, oo o hindi o marahil. Dapat di ako nahimatay.
Dapat nanatili akong gising, para masabi ko sa inyo kung ano’ng nagyari.
At ano pa? Ano pa’ng kailangan n’yo?
Kailangan n’yong hawakan ang katawan ko? Haplusin ang mga peklat, ang dugo, para maláman kung ano’ng akin.
Kailangang ilagay ang kamay sa tagiliran ko, at ilagay ang daliri sa aking mga palad.
Kailangan n’yong tikman ang alat ng luha sa pisngi ko? Narito. Sige. Ano pa’ng hinihintay n’yo?
Hawakan n’yo ’ko. Tikman. Tingnan ako.
Maalat na ba ito sa inyo? Ano?
A: Patunay
B: Ebidensiya
C: Katotohanan  

A: Pagbaluktot
B: Pagmamalabis
C: Hysteria  

A: Kasinungalingan
B: Walang katotohanan
C: Katha  

A: Pandaraya
B: Panlilinlang
C: Panloloko  

A: Patapon
B: Basura
C: Kálat  

A: Tae
B: Ebak
C: Dumi  

A: Tae ng baka
B: Ebak ng kabayo
C: Dumi ng aso  

A: Nginuyang taba ng baboy
B: Basâng piraso ng gamít na tisyu
C: Nabubulok na katawan  

A: Nadeform na cancer cell
B: Mapanlinlang na napalm
C: Radioactive waste  

A: Nakakadiring uod
B: Walang lasang bubble gum
C: Nagnanaknak na sugat

Palilibutan siya ng mga lalaki, aabutin siya ng kanilang mga kamay. Hahaplusin ang mga pasâ, didilaan ang pawis sa mukha, titikman ang mga luha. Sa hulí, babagsak siya.

Maririnig ang tíla basag na tunog ng istatik, palakas nang palakas, hábang dumidilim. Sa kadiliman, hinehele ni LALAKI A ang isang television set. Mahinang maririnig ang tunog ng isang iskrin ng telebisyon. Makikita ang aandap-andap na static screen. Walang imahen, wala. Tanging mga hugis, na puwede nating maisip sa kadiliman. Unti-unting magliliwanag, upang maipakita si INA na mag-isang nakatayo, sa gitna ng liwanag.

Magsisimulang kantahin nina LALAKI B at C ang pamilyar at lumang tugtuging ito.

LALAKI B at C

Smile, though your heart is breaking.
Smile, though you feel like crying.
Somehow, you’ll get by…

Uupo sa sulok si LALAKI A. Ihehele ang television set. May aandap-andap na static ang iskrin.

LALAKI A

Yakap-yakap kitá.
Noong sanggol ka pa, kinakarga kitá minsan, kung papayag ang nanay mo.
Naalala ko ang hulíng pagkakataong kinarga kita. Tatlong taon ka lang.
Nang ipinakarga ka sa akin ng nanay mo, tumingin ka sa ’kin at nagsimulang umiyak.
At naisip ko, hindi dapat ganito. Dapat nakatingala ka sa akin, at nakangiti. Pero sumigaw ka. At sinipa ang dibdib at braso ko. Galít na galít ka. At wala akong magawa.
Ayoko nang kargahin ka mula noon.
Kapag natutulog ka lang, minsan. Pupunta ako sa kuwarto mo, at hahalikan ang noo mo. Dahil sa tákot na bakâ magising ka, at muling iiyak.
Pero ngayon, karga kitá sa mga bisig.
Damá ko ang balát at init ng iyong dugo sa mga bisig ko.
At di ka na sumisipa. Di na nanlalaban.
Nakangiti lang.
Masayá na ako.
Kung may mga táong sinisigawan ako, di ko silá naririnig.
At kung may dugo sa mukha mo, di ko iyon nakikita.
Hagkan kitá sa bulag kong bisig. At hahalikan ka sa noo.

Unti-unting magdidilim ang ilaw sa kaniya, hanggang sa makikita natin ang aandap-andap na iskrin ng telebison. Makikita natin ang anyubog ni ISABEL/INA na mag-isang nakatayo. Nalulunod ang tinig niya sa istatik at masamang resepsiyon habang nagsasalita siya.

ISABEL/INA

May panaginip ka kagabi.
Nanaginip kang naglalakad sa pasilyo, punô ng baság na mga salamin.
Bawat mukha, sapot-sapot na hinagpis. Iyong mukha, pero hindi.
Aabutin ang pilak na rabaw ngunit mahahawakan ang mainit na laman.
Malagkit na balát sa dugong dumanak. Mga mukhang kumikirot sa iyong haplos.
Mga kamay na inaabot ka para masalo ang sarili.
At mapagtatanto mo, hindi ito mga salamin, kundi mga bintana.
At di ka makakaibig nang hindi tumitingin. Nang hindi nagsasalita.
Hindi ka mabubuhay nang walang layunin.
Ni mamamatay nang walang layunin.
Hindi.
Lalaban ka hanggang maubos ang sarili.
Magsasalita hanggang mawalan ng tinig.


Itong mga lalaking bumuhat ng katawan mo, na itinulak ka mula ikaanim na palapag. Di ka nilá mapipigilan.
May sunog sa likuran mo at nangangalay na ang mga binti.
At bumulusok ka.
Wala nang saysay lahat.
Tanging hangin sa mga pisngi, at ang nahuhulog mong katawan.
Tanging ikaw lámang.
At mapagtatanto mo. Hindi iyon panaginip.
Gisíng ka. At nahuhulog.

Magdidilim kay ISABEL/INA. Mas lalakas ang tunog ng istatik. O marahil tunog iyon ng hangin sa buhok mo. Makikita na lamang natin ang aandap-andap na parisukat ng istatik hanggang sa maging ito ay mawala sa kadiliman.

Magdidilim.

WAKAS

(salin ni Maria Christina Pangan)


Si Jean Tay ay isang ekonomista at mandudula. Naitanghal na ang kaniyang mga dula sa Singapore, sa Estados Unidos, United Kingdom, at Italya. Kabilang sa kaniyang mga akda ang Water from the Well (1998), The Knot (1999), Plunge (2000), Everything but the Brain (2005, 2007, 2013), Boom (2008, 2009, 2012), Sisters (2013), Senang (2014), at The Shape of a Bird (2016). Siya ang tagapagtatag na artistic director ng Saga Seed Theater noong 2015 at naging resident playwright sa Singapore Repertory Theatre (SRT) mula 2006 hanggang 2009. (mula sa dramaonlinelibrary.com)

Inilathala ng Aurora Metro Books ang Plunge noong 2016.

Karapatang-sipi ng orihinal sa Ingles ni Jean Tay. Isinalin at inilathala ang salin nang may permiso ng awtor.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: