
Ribyu: Ang mga Iniiwan ng Tubig ni Jason Tabinas
Ateneo de Manila University Press, 2020
Sa unang aklat ng mga tula ni Jason Tabinas, masasalat ang matinding pakikipagniig sa lupa. Hindi ito ordinaryong lupain, kundi katutubo at taal sa personang binabagtas ang mga pamilyar na lunan ng gunita sa pagkabata at ang kaakibat na pagbabago sa pagbabalik rito. Pagbabalik itong ginagawa sa paglalatag ng mga imahen, tíla ba sadya sa pagkakatindig tulad ng balyan (scarecrow) o bul-ul sa taludtod upang tamaanng araw at makasalumuha ng mga elemento sa isang lupaing umiiral kaugnay ng araw at ulan.
Gaano nga ba natin kakilala ang sariling lupa? Nauunawaan ba natin ang masalimuot na prosesong pinagdadaanan ng palay bago maging kanin sa ating hapag? Hindi lámang sa proseso, kundi sa paghihirap na katuwang ng mga prosesong ito na pinagdadaanan ng mga magsasaka. Sa “Espiritu,” magiging saksi ang babasa sa inuman ng mga magsasaka. Unti-unting nalalango, unti-unting dumadalisay ang realisasyon ng mga manginginom sa naghahatakang pagkakatali nilá sa lupa at ang katuparan ng mga pangarap sa mga anak na maaaring tumalikod sa pinagmulan:
Alam nila ang halaga ng paglalagay
ng makakaing kanin sa hapag.
Subalit mahirap ipasakamay sa hindi
matimplang panahon ang pinaghirapan.
Mahirap nang sumugal sa lupa.
Hindi kagaya ng pamamasukan
sa pribadong opisina o gobyerno,
umulan-bumagyo, may suweldo.
Buong buhay na nila itong napatutunayan.
“Espiritu”
May partikular ding tutok sa gawain ng kamay. Kamay nga naman ang lumilinang sa lupa at kamay rin ang dahilan sa pag-usbong nito. Mapapansin ito sa magkakalapit na “Gapasan,” “Pagbibilad,” “Mula sa aking mga Kamay,” at “Pagtahip.” Hitik ang seryeng ito ng mga sandali ng hiwaga mula sa pagtatanim ng butil ng pawis (“Gapasan”) hanggang sa kakatwang pagpapalit-puwesto ng mga sisiw at tao sa pag-ulan (“Pagbibilad”). Naroon din ang pagiging tumpak sa paggawa na nagbubunsod sa mahalimuyak at munting tagumpay (“Pagtahip”).
Isa ring pagkilalang iniaangat sa pagpupugay ang nangyayari sa “Mula sa Aking mga Kamay.” Tinatalunton nitó ang pinagdaanan ng palay hanggang makarating sa hapag sa tulong ng kamay. Nagdaraan ito mula sa “latag ng mga tuyong dahon at uhay,” hanggang sa putik, lunti, at ginto. Sa dulo, may mga nagsasabulag na kamay na buong kababaang-loob na naghahayag:
Ang biyaya ng lupa malugod kong inaalay
sa inyong hapag mula sa aking mga kamay.
“Mula sa Aking Kamay”
Sagana sa araw at silahis ang unang bahagi. Ngunit hindi dahil maaraw ay dapat nang magbunyi dahil dala pa rin nitó ang kaakibat na pagpapakasakit. Nagmumulto ang nakasusugat na imahen, halimbawa, ang kuhol sa “Kuhol,” na nagsimula bilang lunas sa kagutuman ngunit nang lumaon ay naging pesteng hindi mawala-wala at tuloy na sumusugat sa talampakan at gunita.
Babalikwas naman ito tungo sa kalabisan ng tubig sa ikalawang bahagi. Kalabisan itong nagdudulot ng trahedya sa búhay ng mga umaasa sa kanilang lupa, sa kanilang aanihin. Nariyan ang mga tanawin sa evacuation center, pagpapalubog ng baha, pagsalakay ng bagyo, atbpang karahasang mapangwasak sa kalooban. Ngunit ang mahiwaga, ang magpatuloy pa rin. Kahit sa mga bagay makikita ito. Walang-buhay man ngunit nagkakaroon ng posibilidad . Marikit na halimbawa ang tila tagulaylay sa “Balyan,” ng isang panakot sa sakahan:
May isang mayang inilipad
ng hangin. Pumihit siya’t papalapit
sa akin. Ano’t wala siyang takot
na sumuot sa aking dibdib?
Paano ang darating na taniman?
Saan ako huhugot ng panakot?
Payapa ang mayang nakabilog,
Nagpapainit sa aking dibdib.
“Balyan”
Kung nahihipo ng sinasabing Filipinong araw ang mga pinta ng masasayang eksena sa kanayunan ni Amorsolo, ipinasasalat naman sa atin ni Tabinas ang mapopoot at mapapait na realidad ng mga umiibig at nananatiling tapat sa kanilang sariling lupa. Sa bawat pagtapak, maaaring masugatan ang ating mga talampakan. Masasanay tayo sa putik. Mabibilad at masusunog (maaagnas pa nga sabi ni Ildefonso Santos). Sa katapatang ito, kasáma nating inaani ang sarili at damdamin sa sariling lupa.—Roy Rene S. Cagalingan
Mabibili ang aklat sa Ateneo De Manila University Press.