Isang Ibig Sabihin¹

Panandaliang kahingian sa pagbása, paglirip ang gumagabay na prinsipyo sa buong koleksiyon ni Patrick Bautista na “Walang Ibig Sabihin.” Inaatasan táyo ng karapatang-sipi na “basahin, i-remix, silaban, punahin, burahin o anupaman” ang koleksiyon. Binubuo ito ng labing-isang maiikling tula. Nangangailangan lámang ng maikling panahon upang mabása ang kabuoan, ngunit mas mangangailangan ng mahabang panahon lampas sa binásang mga tula upang pagnilayan ang silbi ng tula sa kasalukuyang krisis at ang papel nitó sa panawagan ng pagbabagong panlipunan.

Tíla nanunudyo din ang koleksiyon: sinasabing direkta ng persona na ayaw niya sa tula ngunit paborito niyang pagtawanan ang sarili dahil ngayong pandemya ay tumutula siya. Idinagdag pa niya sa “Tula” na: “Gusto kong sabihin na nauunawaan ko ang parikala ng pagsulat ng tula / tungkol sa kawalang-halaga ng pagtula ngunit isa iyong kasinungalingan.//” Hindi nahihiya ang persona na ipakita ang kaniyang pagtuligsa sa sarili; madadampot sa ibá’t ibáng bahagi ng koleksiyon ang tulak-kabig ng persona sa silbi ng tula, o ng kaniyang koleksiyon: “Ibig sabihin/ hindi lamang tula ang alam kong gawin / ngunit ito ang aking ginawa//” (mula sa “Anim na Pangungusap tungkol sa Tula”), “Kung nais mong magka-gamit ang mga tulang ito kailangan mong:/  1. I-print ang mga tula sa papel / 2. Kumuha ng lighter o posporo  / 3. Sindihan ang papel at pagliyabin” at “Hindi kaya ng mga tula / maging mitsa ng rebolusyon//Ngunit / kahit paano / ang mga tula sa papel / … ay nakagagawa ng apoy.//” (mula sa “Instruksyon”).

Nagmamadali ang koleksiyong magwakas at maglaho. Buhat sa panuto sa karapatang-sipi iniaatas ng persona sa mambabása ang nais nitóng uri ng kahihinatnan. Sa pagkakalatag ng mga taludtod sa mga páhiná, kapansin-pansin ang ikli at tipid ng mga tula, na tíla nais iwaglit sa lawak ng mga espasyong nakapalibot sa mga ito. Sa panuto at sa mga seksiyon, inihahanda táyo ng koleksiyon sa pagwawakas na silaban ito. Makikita ang panutong “sindihan dito” sa dulo.

Nagsisilbi rin itong kumpisal ng persona sa papel ng tula para sa kaniya. Bagaman nabanggit niya sa “Tula” na “Isa sa pinakanakakatawang gawain sa gitna ng pandemya / ang pagtula….//”, direkta niyang inamin sa “Mga Pinagpipitaganang Makata ng Bayan Ko” na “Ikinahihiya ko ang aking sarili / higit kanino man. Ikinahihiya ko ang tapang / na maghanap ng kalinga sa mga salita / at ang yabang na bigyang halaga ang sarili / bilang makata….//” Gayundin ang internal na tunggalian at pag-usisa sa pag-iral: “Ikinahihiya ko ang pagiging makabuluhan….//”

Sa dulo, ibabalik táyo sa pinaikling bersiyon ng “Tula” sa pag-amin ng persona na manunulat ang nagsasalita sa tula at kailangan nating paniwalaan na ayaw niya sa tula.

Ngunit kailangan nating mag-usisa, gaya ng kaniyang kahingian sa “Unang Panauhan” at bunsod ng tendensiya niyang tuligsain ang sarili:

“Kuwestiyunin mo ang aking katapatan
……………………………………………………..
Hindi ka narito para lamang sumang-ayon

Hindi ka Narito para lamang sumang-ayon”

Mababása ang buong koleksiyon sa: https://www.docdroid.net/1cSFRii/walang-ibig-sabihin-pdf?fbclid=IwAR2wlN3o2ZE1-zNp3HgrHppgdFd0dkXn_Jz7SrSxOjLv5qHMBLYjy_JoeKs

(Ribyu ni Maria Christina Pangan)


1Tugon sa pahina 18.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: