Sine sa Panahon ng Pandemya: Isang Paninimbang sa Esensiya ng Pelikula sa Panahon ng Pagsasara ng Non-Essential Businesses

Kaalinsabay ng maraming pagbabago sa pamumuhay na dulot ng pandemya, tila nagbabago rin ang paraan ng pagtanggap sa mga nangyayari sa paligid—kasama ang pagtanggap sa mga pelikula. Dati ay isang gawaing sosyal ang panunuod ng pelikula, kasalo ang maraming tao sa panunuod; ngayon ay mas nagiging personal na dahil sa migrasyon nito sa kani-kaniyang phone screens. At patuloy pa rin itong nagbabago dahil sa kasalukuyang sitwasyon. Tinatanong ko ang sarili: Paano maaaring manood ng pelikula sa kalagitnaan ng pandemya, ng krisis, at ng kasawian? May kabuluhan pa ba ito?

          Hindi ko maiwasang maging pesismista dahil sa buhol-buhol na problema ng bansa. Nagkaroon ng higit na pagpapahalaga sa mga esensiyal na bagay dahil sa krisis at sa kawalan ng mga trabaho; kung may lockdown naman, hindi pinahihintulutan ang non-essential travel at businesses na mag-opereyt. Ano ba ang kahulugan ng pelikula sa panahon ngayon? paulit-ulit na tanong sa sarili. Pribilehiyo. Negosyo—na itinuturing na non-essential dahil recreational at para lamang sa kaaliwan. Ngunit napatigil ako. Nagnilay. Hindi naman siguro sa lahat ng pagkakataon. Depende sa layon. Ang pamamahayag ay itinuturing na esensiyal sa panahon ngayon—at sa isang banda, kung gagamitin ang pelikula, hindi lamang bilang kaaliwan, kundi bilang anyo rin ng pamamahayag, nagiging mas mabigat ang tungkulin ng pelikula. Sa ganitong pakiwari, nagiging esensiyal ito.

          Isa na namang tanong ang agad na sumulpot, ano ang esensiyal na pelikula sa panahon ngayon? Habang nanunuod ng ilang Cinemalaya entries, natiyak kong may nagbago sa pagtanggap ko sa mga pelikula. Dati, basta’t may panlipunang komentaryo ay itinuturing ko nang mahalaga. Ngunit ngayon, mas matimbang na sa akin ang pelikulang may iminumungkahing paraan, may bagong paraan ng pagpapahayag ng insayt, at may tiyak na tugon sa panlipunang realidad—hindi lang yaong payak na nagpapahayag ng realidad o kaya’y masyadong positibo na basta na lang magiging maayos ang mundo. Paano naman kasi, araw-araw ko nang napapanood sa TV at nadadaanan sa news feed ko sa social media ang mga panlipunang realidad, kahit nga iyong akala mo sa black comedy film mo lang mapapanood ay nangyayari na talaga. Ang hamon ngayon ay kung paano palilinawin ang pagtingin sa isang mundong tila naging absurdo na. Kailangan natin ngayon ng isang uri ng kaisipang makapagbibigay sa atin ng idea kung paano maaaring pag-isipan ang mga tiyak na hakbang sa pagresolba ng isang problema.

          Natagpuan ko ang diwa nito sa ilang piling dokumentaryo: sa isang pelikula mula sa main competition ng Cinemalaya at sa apat na pelikula mula sa Gawad Alternatibo Documentary section:

  • Ang Pagpapakalma sa Unos ni Dir. Joanna Vasquez Arong (Main Competition)
  • Dagami Daytoy (This is Our Land) ni Dir. Nonilon Abao (Gawad Alternatibo)
  • Teatro ng Pagtangis ni Dir. Glenn Atanacio (Gawad Alternatibo)
  • Contemporary Bayani ni Dir. Najeel Ayra Barrios (Gawad Alternatibo)
  • Still Here, Still Walking ni Dir. Katrina Catalan (Gawad Alternatibo)

          Sa mga dokumentaryong ito, mahalaga ang elemento ng boses. Tahasang gumamit ang ilan sa mga pelikulang ito ng sound bites mula kay Pangulong Duterte upang bigyang-kritisismo ang kaniyang mga pahayag na tila di-tugma sa mga kasalukuyang realidad. Nagiging matapang ang mga dokumentaryong ito dahil nagmumula ang boses mula mismo sa mga matatapang na bida na walang-alinlangang nagpapahayag ng kanilang mga paniniwala at saloobin. Maririnig din natin sa ilan sa mga ito ang mga tula at musikang kinatha at itinanghal mismo ng mga bida sa dokumentaryong ito. May ganoong antas ng sinseridad at awtensidad ang nasabing mga pelikula.

          Sa Pagpapakalma sa Unos, matulaing inilahad ang mga problemang pinagmulan ng labis na pinsala ng bagyong Yolanda. Nanggagaling ang boses ng pelikula mula sa filmmaker na nagsilbing volunteer sa panahong iyon. Kaya naman, mas nagiging matapat ang paglalahad dahil siya mismo ang nakakita sa mga bangkay, sa di-episyenteng pagtugon ng pamahalaan; at siya mismo ang nakarinig sa mga kuwento ng kawalan at kasawian. Nakita niya ang malaking larawan ng unos at natumbok niya na hindi lang ito simpleng isyu ng natural na desastre: sangkot ang problema sa wika at media; kasama sa naratibo ang kanilang mga mitong kaugnay ng bagyo; pati ang hokus pokus sa relief goods at death count. Sa tiyak na pagtukoy niya sa mga espesipikong problema, lumilitaw ang mga posibilidad sa maaari sanang pagresolba sa mga problema.

          Sa Dagami Daytoy (This is Our Land), nangingibabaw ang paulit-ulit na boses ng pagtutol ng komunidad sa operasyon ng isang multinational mining company sa dalawang pamamaraan: mula sa boses at mula sa musika ng mga lokal na mamamayan. Masalimuot ang mga tunggaliang nakapaloob dito ngunit malinaw ang pahayag ng pelikula: Huwag pahintulutan ang pagmimina kung tinututulan ito ng mga lokal na mamamayan at katutubo dahil naaapektuhan ang kanilang kalusugan (dahil sa usok at alikabok na dulot ng mga dinamita) at natural na kapaligiran. Isa pa, ang hindi pagsang-ayon ay hindi nagbibigay ng permiso sa awtoridad na sila ay i-red tag at patahimikin.

          Sa Teatro ng Pagtangis, kapuwa mahalaga ang boses ng ex-drug user na naging pari at advocate ng karapatang pantao, at ang boses ng nanay ng isang pinaslang na pinararatangang drug user. Nagpakita ng mahahalagang perspektiba ang pelikula sa pamamagitan ng mga boses na ito. Sa pilosopikong lapit ng boses ng pari, nagbabato ito ng tanong sa correctional system ng bansa: Kung nagkamali ang tao, solusyon nga ba ang pagpatay at pagpaparusa? Samantala, ang boses naman ng nanay ay mayroong grit na mahalaga sa pagpapakita kung paano maaaring pangasiwaan ang galit tungo sa paghahanap ng katarungan at katotohanan.

          Sa Contemporary Bayani, tampok ang boses ng protesta, ng pag-eempower, at ng pag-eeducate sa mga manggagawa hinggil sa kanilang mga karapatan. Aktibo at pasulong ang direksiyong tinatahak ng pelikula: tipunin ang mga OFW domestic helpers, at panagutin ang pamahalaan na nakinabang sa kanilang trauma, takot, pagpapakasakit, at remittances. Binibigyang-diin ng pelikulang ito ang pangangailangang igiit ang karapatan ang mga manggagawa, lalo pa’t dinadambana silang bagong bayani. Kailangang singilin ang pamahalaan sa mabagal na aksiyon sa paghanap ng katarungan sa mga biktima ng pang-aabuso; at sa mga benepisyong dapat nilang natatamasa.

          Sa Still Here, Still Walking, isinalarawan kung paano nakikipagtunggali ang sarili sa mga nagsasalungatang tinig na gumugulo sa isip. Ang mahalagang insayt na mababatid ay hindi lamang likha ng personal at ng isip ang mga pakikipagsapalaran natin—umusbong ito mula at dahil sa lipunang ginagalawan natin; at higit sa lahat, may komunidad tayong kabahagi sa pagharap sa mga pakikipagsapalarang ito. (Personal akong nakaugnay sa pelikulang ito, lalo na sa panahon ngayon.)

          Hindi kagyat na nakikita at nararamdaman ang kahalagahan ng pelikula dahil totoong maraming higit na mahalaga at pangangailangan para lamang patuloy na makaraos sa araw-araw, lalo ngayong nasa kalagitnaan tayo ng pandemya. Ngunit sa panahong pinatatahimik tayo at binubulag upang sumunod na lamang, maaaninag ang kahalagahan ng pelikula: tahimik itong nagrerekord ng kasaysayan, nag-aartsibo ng alaala at ebidensiya; at kung kailangan, dinadagundong nito ang grupo ng mga taong nakakahon sa isang espasyo upang himukin silang umalpas sa pagkakakulong.

Napanuod nang libre ang Gawad Alternatibo short films hanggang 16 Agosto 2020.—Graciella Musa

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: