Naiiba ang pagdiriwang ngayon ng Buwan ng Wika dahil sa pandemya. Wala ang mga programa sa paaralan na punô ng pananagisag natin sa pagmamahal sa sariling wika. Nariyan ang mga talumpati, balagtasan, sabayang pagbigkas, pagtatanghal ng kasuotang Filipino, paglikha ng poster, pagpapatugtog ng OPM, at marami pang iba. Nawala ito ngayon sa pisikal na espasyo, ngunit nabubuhay malamang sa ating ginawang pagtawid sa birtuwal na daigdig. Muli, wala akong masamang tinapay sa mga pagpapamalas na ito ng “pag-ibig” sa ating sariling wika. Minsan, gusto ko na lámang talagang higitan ang pag-ibig at napapaisip kung ano pa ang magagawa para sa sariling wika.
Kayâ narito ang pananaginip: magigising ako sa taóng 2050 at susuriin ang sitwasyon ng sariling wika. Unang-una, maghahanap ako ng diyaryo at makikita ang mga broadsheet natin na nása Filipino. Mamamangha ako malamang dahil ang broadsheet noong panahon ko ay lunan para sa mga Inglesero at elit. Nagtatagumpay na ang sariling wika noong panahon ko sa telebisyon dahil wala naman kaming teleserye at primetime na balita (sa libreng TV) na nása Ingles. Sa cable lang iyon. Mabuting balita rin na nakabalik ang ABS-CBN. Nakakulong naman ang dapat makulong sa mga awtoridad noong panahon ko. Ang mga tiwali at ganid ay isinakdal kasama ng kanilang mapanlinlang na wika. Buti na lámang.
Panonoorin ko sa TV ang mga lingkodbayan na gumagamit ng sariling wika. Hindi lámang Filipino, ngunit pati na ang kanilang katutubong wika. Magugulat din ako dahil kapag gumagamit sila ng katutubong wika ay isinasalin sa Filipino para sa mga manonood. Dahil Agosto 2050 rin ako nagising, hindi rin maiiwasan na pag-usapan ang wika sa mga morning show. At isang himala: walang lingkodbayan na humihingi ng paumanhin dahil hindi sila magaling sa Filipino. Mukhang may pinagtagumpayan na nga táyo.
Kailangan kong danasin sa sarili ko ang wika kaya lalabas ako para magtungo sa aklatan. Maraming dambuhalang negosyong pinabagsak ang peste noong 2020 kayâ wala na ang mga mall ng kapitalista. Nagbalik ang mga mumunting tindahan at nagwagi nga yata ang maliit sa harap ng malaking kapital. Sa aklatan, isang nakagigitlang pambungad sa akin ang hanay matapos ang hanay ng mga aklat na nakalimbag sa Filipino. Wala na ang seksiyong Filipiniana dahil ang mga aklat na nása Ingles at ibang banyagang wika ang nása isang seksiyon. Kahit ang mga bestseller sa 2050 ay nakasalin sa Filipino pati na sa ibang katutubong wika. Huwag na ninyo akong gisingin sa panaginip na ito.
Hindi ko na rin pinaglagpas ang pagkakataon na bumisita sa dati kong paaralan. Muli kong binalikan ang mga guniguni at alingawngaw ng aking kabataan. Matapos ang pakikiniig sa nostalgia, nagmatyag ako at napansing walang mga paskil ng English Only at mga batang tila pinalaki sa banyagang barangay. Lahat ng kausap ko ay kinausap rin ako pabalik at nagkaintindihan naman kami. Nang sumilip ako sa mga klasrum, walang gumagamit ng Ingles sa pagtalakay ng agham pati matematika.
Naniwala na ako sa pagwawagi ng sariling wika. Ngunit kailangan ko pa ring malaman kung ano ang ginawa ng aking henerasyon kayâ ganito ang kinalabasan. Natunton ko ang tanggapan ng ahensiyang pinaglingkuran ko noon. Naroon pa ang isang nakasama ko at may pinagkatandaan na. Napag-alaman ko na may nagbago raw sa mga Filipino nang tanggapin nilang hindi si Rizal ang sumulat ng “Sa Aking Mga Kabata” kaya hindi na nila ito sinipi kailanman. Kayâ magigising ako ngayon, at magtatanong, paano nga ba higitan ang pag-ibig?—Roy Rene S. Cagalingan