Sa panahon ngayong labis táyong sumasandig sa mga impormasyong ating napapanood at nababása, tumataas ang kahingian sa mapanuring pagsipat sa mga katotohanang kailangang paniwalaan.
Bunsod ng restriksiyon sa galaw natin ngayong panahon ng krisis pangkalusugan, limitado ang paraan ng pagsagap natin ng impormasyon. Higit sa anumang yugto ng ating pag-iral, nakasalalay sa “paningin” ang kakayahan nating magpasiya at magsuri ng mga bagay na makabuluhan sa atin.
Sa kulturang Filipino, hindi dahop ang ating mga ninuno sa mga paraan ng “pagtingin”. Sa lektura ni Propesor Felipe M. de Leon Jr. na “Ano ang Kulturang Filipino,” nakapagtalâ siya ng walumpu’t walong salita kaugnay ng paningin. Narito ang ilang halimbawai, na para sa akin ay marapat ipakilala sapagkat hindi nagkulang ang ating wika upang ipaliwanag ang anumang aksiyon o penomenon kaugnay ng ating mata:
lílap—pagpungay ng mga matá ng lasingii
lísaw—hindi mapakaling galaw ng matá ng isang táong galítiii
língos—paglingon mulang isang panig hanggang kabilâng panigiv
sigláp—makita ang isang bagay sa ibabaw na hindi matiyak kung ano itov
sulindíng—patagilid na pagtinginvi
Kinakailangan ding banggiting mula lámang sa Tagalog ang listahang ito. Hinihikayat ang mga masigasig manaliksik at mga may interes sa yamang pangwika ng Filipinas na taluntunin at malaon ay ipakilala ang mga terminong kaugnay ng paningin sa ating iba’t ibang katutubong wika. Gaano kayamang kaban ng mga salita ang maaari nating matipon kaugnay nitó? Gaano karaming paraan ng pagpapahayag ang maaari nating magawa kaugnay ng ating mga pandamá?
Sapagkat nabanggit din ang di-matatawarang yaman ng ating wika upang magpahayag ng anumang penomenon kaugnay ng paningin, napukaw ang aking pansin ng salitang “malikmata.”
Pangkaraniwang sinasambit na namalikmata ang isa kung tíla napaglaruan ang paningin matapos kumpirmahin ito ng ikalawang pagtingin. Halimbawa, akala ng isa ay may nakita siyang isang pamilyar na tao o bagay, ngunit nang tingnang muli ay wala naman palá doon ang tao o bagay na tinutukoy.
Sa kagyat na paghahanap ng kahulugan ng “malikmata,” nahanap ang sumusunod. Mula sa diksiyonaryo.ph:
malikmatá—anumang may katangiang magbago ng anyo; anumang nakalilinlang ang anyo
malikmatà—salamangka sa pamamagitan ng kamay
Mula sa Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles ni Jose Villa Panganiban (1972), may apat na kahulugan:
malikmatá—transfiguration; phantasmagoria; having the power of invisibility; sleight-of-hand
Mula naman sa Vocabulario de la lengua tagala:
malikmáta—laro gamit ang mga kamay
Sa Vocabulario, naitalâ ring kaugnay ng malikmáta ang tagibulag. Dalawa ang salitang “tagibulag” sa naturang diksiyonaryo, ngunit magkaugnay ang kahulugan:
tagibúlag—maglaho, mawala sa paningin
tagibulág—isang yerba na pinaniniwalaan nilang maaaring gamitin upang mawala sa paningin ang isang tao
Gumagana sa dalawang paraan ng panlilinlang ang malikmata batay sa mga inilistang kahulugan—(1) sa paningin; at (2) gamit ang mga kamay. Ano’t anuman, mistulang inilalarawan ng mga ito ang “nalilinlang” at ang “gumagawa ng panlilinlang”.
Kung mahalaga sa ating mga ninuno ang paraan ng panlilinlang na ito para sa kanilang pag-iral, paano kayâ nilá ito nilabanan kung ipukol ito sa kanila? Kailan naglaho sa paningin at sa kamalayan ng mga Filipino ang yerbang tagibulág? Sa anong yugto ng ating kasaysayan nalimot natin ang mga pag-iingat kaugnay ng panlilinlang?
Sa panahon ngayon na labis-labis táyong umaasa sa kakayahan nating bumása, tumingin, gaano táyo kaburnerable sa mga panlilinlang na nakapaligid sa atin? Lalong higit ngayong lahat ay mabilis at nagmamadali kailangan ang matalas nating paningin.
O tuluyan nang naglaho ang kakayahan nating makilala kung táyo’y nalilinlang?—Maria Christina Pangan
i Sa Ingles ipinakahulugan ni Propesor de Leon ang mga terminong ito. Napagpasiyahan ng manunulat na hanapin ang kahulugan sa Filipino. Dalawang sanggunian ang ginamit para sa mga kahulugan: diksiyonaryo.ph at Vocabulario de la lengua tagala (1754).
ii Mula sa diksiyonaryo.ph
iii Mula sa diksiyonaryo.ph
iv Mula sa diksyonaryo.ph
v Mula sa Vocabulario de la lengua tagala
vi Mula sa diksiyonaryo.ph