Ipinagmalaki sa atin kamakailan na nalansag na raw ang oligarkiya, ngunit sadyang napakahirap baklasin ang salitang hindi nauunawaan. Mas malala pa kung nauunawaan, ngunit may lihim na balak para sa mga gumaganap sa kahulugan nito. Sa ating bansa, walang pagkakaila na naghahari ang iilang pamilya lamang. Dalawa ang tumpak na kahulugan ng oligarkiya1 na hindi nalalayo sa realidad ng politika sa atin, una, na ito ay isang pamahalaang pinangangasiwaan ng iilan; at ikalawa, pamahalaan itong pinamumunuan ng natatanging pangkat para sa ganid na layunin at pangungurakot. Mukhang nauunawaan naman ng nagsabing nawasak niya ang oligarkiya kung titingnan natin ang mga umiiral na realidad sa ating lipunan.
Subalit isang banyagang salita ang oligarkiya na nakaugat sa mga banyagang realidad. Sa pagtatangkang mahanap ang katutubong pag-iral nito ay dinaanan ko ang saliksik ni William Henry Scott hinggil sa pamumuno ng datu2 sa lipunang Bisaya. Dito sinabi niya na ang mga datu ay yaong mga namumuno at nabibilang sa naghaharing uri sa parehong kasarian. Nagpapakasal sila sa kapuwa datu upang mapanatili ang kanilang estado at sinabi pang magkakamag-anak ang mga datu mulang Butuan, Limasawa, Cebu, at Maktan3. Estratehiko ang alyansang ito dahil ang pagsasama-sama ng mga datu ay nakatutulong sa pagkontrol sa daloy ng mga kalakal sa loob man o labas ng kanilang mga teritoryo.
Nalalapit ba ang mga katutubong pinuno natin noon sa mga nasa puwesto ngayon?
Naroon na ang pagtatangi sa iilan at ang pamumuno ng mga iilan na ito, ngunit naiiba sila dahil wala pa noon ang matibay na pakahulugan ng bansa sa mga katutubong pinuno natin. Sa kanila, saklaw lamang ng kanilang pangangalaga ang mga nasasakupan at hindi ang mga teritoryo tulad ng Tondo at ibang bahagi ng Mindanao. Wala pa silang Filipinas na may pambansang sistema ng buwis at pondo na maaari nilang samsamin para sa sariling kapakanan at sa mga kaalyado. Wala pa ang bayan sa kanilang hinagap na mahuhubog sa panahon ng mga propagandista at rebolusyonaryong tatawagin ang mga sariling Filipino at Anak ng Bayan.
Umiral ang sistema ng pamumuno noon dahil gumana ito noon para sa ating mga ninuno. Ito rin ang sistemang aabusuhin ng mga Español upang makuha ang loob ng mga naghaharing uri gamit ang lakas, paninindak, at biyaya ng kolonyalismo. Marahil, ilan sa mga naghahari noon ay nagpalit lamang ng mga pangalan upang ipagpatuloy mulang pagiging prinsipalya tungo sa mga mayor at kongresista natin ngayon. Mainam ding matunton ang mga ito sa hinaharap at hindi naman makapagtatago ang mga pangalan sa ating kasaysayan.
Ang mahalaga, nauunawaan natin ang mga sistema noon at kung bakit hindi na ito maaaring gumana noon. Kung mayroong kahanga-hanga at makabuluhang katangian ang mga datu noon, mainam na maaral at makatas pa natin ang halaga nito ngayon. Pero kung gagawin nating paliwanag ito kung bakit naghahari pa rin ang iilan sa ngayon, tayo na ang may problema. Sinabi nga ng isang historyador, huwag na nating sisihin ang kasaysayan sa mga nangyayari sa atin sa kasalukuyan. Tayo ang umuulit ng kasaysayan. Kung may maidagdag, tila ayaw nating lingunin ito at usisain ang kahulugan ng mga puwang na nakapaloob rito. Maaari naman tayong magsimula lagi sa mga pangalan, sa ibig sabihin ng “datu,” timawa,” at “oripun” sa atin noon at ngayon. Kailangan lamang nating bigkasin at ibukas ang pandama sa daigdig ng mga kahulugan.—Roy Rene S. Cagalingan
TALABABA
1“Oligarchy.” Merriam-Webster. Merriam-Webster. Inakses 2 Agosto 2020. https://www.merriam-webster.com/dictionary/oligarchy.
2William Henry Scott, Barangay: Sixteenth-Century Philippine Culture and Society (Lungsod Quezon: Ateneo de Manila University Press, 2018), p. 128.
3Ibid., p.128