May Aswang sa Lungsod: Mito bilang Kolektibong Naratibo sa pelikulang Aswang (2019)

         Marami nang nilikhang mito ang ‘War on Drugs’ ng kasalukuyang administrasyon: salot daw na kailangang unang puksain ang mga drug pusher at user; umaaksiyon daw ang kapulisan; at nanlaban daw ang mga drug pusher at user sa engkuwentro kaya napuruhan.

          Sa dokumentaryong Aswang (2019) ni Dir. Alyx Ayn Arumpac, ipinagkakaloob sa lower class ang mikropono upang sila naman ang makapagbahagi ng kanilang kolektibong naratibo, ng kanilang mga mito, na tahasang sumasalungat sa mga mitong inimbento ng makakapangyarihan.

          Ipinadinig ng mga kamag-anak ng mga pinaghihinalaang drug pusher at user ang ilan sa kanilang mga pinaniniwalaang mito. Naniniwala sila sa mito ng sisiw sa kabaong na kumakatok daw sa konsensiya ng pumatay sa biktima. Mayroon ding Alamat ng Ilog na Nangangain na naikuwento ni Jomari, isang batang kalye na isa rin sa mga sentrong tauhan sa dokumentaryo. Kung susuriin, pawang nanggagaling ang tinig ng mga mitong ito sa abang uri—iyong laging naghahanap ng katarungan sa kamatayan ng mahal sa buhay at iyong laging bulnerable sa karahasan.

          Kaugnay ng ‘War on Drugs,’ itinatampok din ng dokumentaryo ang kolektibong naratibo ng abang uri. Mapagtatagpi-tagpi ang mga ito sa mga tingi-tinging eksena at detalye ng kanilang mga buhay: 1) mula sa paalala ng nanay sa kaniyang anak na pulis ang kalaban; 2) sa pagbabahagihan ng mga bata sa lansangan ng kanilang pangarap na maging sundalo’t pulis upang mauwi lang sa kongklusyon na tagapulot at tagahuli lamang ang mga ito; 3) sa pagtukoy ng mga bata sa tiyak na itsura ng plastik ng shabu; 4) sa malawak na bokabularyo ng mga bata sa mga patalim; 5) sa nanormalisang gawain ng pagwawalis ng dugo sa mga lansangan; 6) hanggang sa pagsisiksik ng maraming katawan sa iisang puntod. Lahat ng mga imaheng ito ay nagsisilbing signification sa pagbuo ng mito: May aswang sa lungsod.

          Sa “The Aswang Syncrasy in Philippine Folklore” ni Maximo Ramos (1969),[1] tinukoy niya ang limang uri ng aswang: 1) mandurugo (Tagalog), 2) manananggal (Tagalog), 3) malakat (Bisaya), 4) mangkukulam (Tagalog), at 5) busaw (Bagobo).

Idinagdag niya na isa sa mga susing katangian ng aswang ay ang kakatwang kilos ng mga ito.

          MANDURUGO. “Some Philippine vampires die but come back, like the revenants of European folklore, to suck blood (Ramos 1969, 239).Noong panahon ng Batas Militar, may aswang na sumisipsip sa dugo ng maraming Filipino. At tila nagbabalik ngayon ang parehong anyo ng aswang na kumitil sa buhay ng mga diumanong drug pusher at user na nanlaban.

          MANANANGGAL. “It looks for a hole in the thatch and finding one, inserts its tongue, elongating it and making it as fine as thread so that it can hardly be detected while it swings about till it touches down and enters the body of a sleeper and then searches out his heart, liver, lungs, spleen, and entrails (Ramos 1969, 240).” Magaling sumilip sa drug raid ang aswang. Tiyak at walang mintis din kung bumaril, kahit sa mga drug pusher at user na hindi naman nanlaban.

          MALAKAT. “[I]t attacks villagers, even entering homes and setting upon youngsters who cry too much. It sinks its fangs into the victim’s neck and bites or even devours him (Ramos 1969, 243).” Tinotokhang pati ang mga assets na marami na masyadong alam tungkol sa sistema ng droga sa Filipinas. May nagbanggit nga sa pelikula, “Pag hinog ka na, pipitasin ka na.”

          MANGKUKULAM. “By magically intruding various objects-shells, bone, unhusked rice, fish, and insects of various species-through the victim’s bodily orifices, the Philippine witch punishes those by whom she has been put out (Ramos 1969, 244).”Hindi batid ng lahat ngunit mahusay maghokuspokus at magtanim ng baril ang mga aswang sa lungsod.

          BUSAW. “A ghoul is said to be able to hear, over a great distance, the groans of the dying. Its greed is aroused when it catches the scent of death, and then it snatches the mourners as well as the dead (Ramos 1969, 245).” Nalulugod ang aswang sa idea ng kamatayan ng drug pusher at user; at paghihinagpis ng mga namatayan. Pagkatapos, kukunin nila ang bangkay upang manipulahin ang resulta ng autopsy.

          Sa kabuoan, ang mga eksenang ito ay ginamit ng pelikula upang itampok ang ‘sign’ na aswang at upang ipabatid ang ‘mito’ na siyang nagbibigay ng panlipunan at kultural na konteksto sa proposisyon. Gayong sa mga naunang presumption, ang mga aswang ay madalas na ikinakabit sa mga karaniwang mamamayan (kadalasang babae) ng lokal na komunidad, bumuo ng bagong imahen ng aswang ang dokumentaryong ito. Mapanghamon, politikal ang batayan, at may class analysis.

          Maaalalang nag-umpisa ang dokumentaryo sa imahen ng nakahintong behikulo ng kapulisan na nakapaligid sa crime scene. Sa dulo, kumabig ang dokumentaryo upang ipaalalang may kapangyarihan ang taumbayan sa paglalahad ng kanilang kolektibong naratibo. Kaya sa huling eksena, makikita si Brother Jun Santiago, isang human rights advocate, na nagpapatakbo ng behikulo sa kahabaan ng EDSA, isang gabi. Isa itong magandang pagsasalarawan sa pangangailangang magpatuloy sa pagkatha at paglahad ng katotohanan upang mapatunayang hindi mito o gawa-gawa lamang ang kanilang mga salaysay—dahil totoong may mga aswang sa lungsod na kailangang hulihin, lalo na sa kalaliman ng gabi. —Graciella Musa


[1] Maximo Ramos, “The Aswang Syncrasy in Philippine Folklore,” Western States Folklore Society XXVIII, blg. 4 (Oktubre 1969), mp. 238–248.

One thought on “May Aswang sa Lungsod: Mito bilang Kolektibong Naratibo sa pelikulang Aswang (2019)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: