Nagbisikleta ako tungo sa isang kinathang lungsod. Lungsod ito na katatagpuan ng mga masusing idinisenyong lansangan na ipinangalan sa mga pook sa New York. Kahit saan ka tumingin, nariyan ang mga nagtataasang paalala ng “pag-unlad” mulang modernong gusali, designer shop, mamahaling restoran, at saglit-kinang ng mga luxury car na lumilibot sa espasyong ito. Kung sinasabing nagmumula sa gitnang uri si Bonifacio, hindi kayâ niya matitipuan ang kinathang pook na itong ipinangalan sa kaniya? Malamang hindi. Ngunit ang talakay hinggil diyan ay ilalaan na lámang sa ibang pagkakataon. Nais kong salakayin, gaya ng ginawang pagsalakay paakyat ng BGC, ang konsepto ng mobilidad na ipinaiiral sa ating mga espasyo.
At ang realidad na ito ay bako-bako. Nilalamon ng mga kotseng patuloy kang bubusinahan kahit nasa pinakagawing kanan ka o sa tatawagin nating kinathang bike lane dahil wala ito sa ibang lugar. Realidad itong may mas mababang turing sa mga bisikleta sa herarkiya ng mga sasakyan. Ngunit kung may papatunayan ang mga nangyari nitong nagdaang buwan sa pandemya, napatunayan na ang bisikleta ay isang sagisag ng pagnanais ng mga táong makakilos. Sagisag ito ng pagkilos sa harap ng mga restriksiyon at mabagal na mga pagpapasiya hinggil sa mobilidad. Ang makita ang hukbo ng mga nagbibisikleta sa lungsod ay isang pag-angkin sa mobilidad na ipinagkakait sa atin ng awtoridad na de-kotse ang kamalayan.
Kayâ mapapatawa ka na lámang sa naging panukala noon ng isang kongresista na iparehistro ang mga bisikleta. Kahit panukala lámang, makikita na isa itong pagsalakay sa kalayaan at mobilidad na mayroon ang madlang hindi makagamit ng publikong transportasyon. Lagi ang magiging batikos sa mga ganitong pag-iisip ay ang eternal na: hindi kasi kayo nagbibisikleta.
Kayâ ang de-kotseng kamalayan ay isasama nating nakaparada sa garahe ng banyagang barangay. Muli, hindi masama ang magmaneho nito bílang kasangkapan sa paghahanapbuhay at kaginhawahan. Wala rin akong patama sa mga patuloy na naghahabol sa kanilang mga gitnang uring pantasya. Ngunit ang sinasabi kong de-kotseng kamalayan ang mapangmaliit na pagtingin sa kapuwang humahanap ng paraan upang makakilos at mabuhay. Kamalayan itong ipinagdadamot ang lansangang ginawa hindi para lamang sa mga naka-SUV at red plate. Kamalayan itong umiiral sa daigdig ng pribilehiyo at kawalang-malasakit. Sila, na naroon, ang nagnanakaw hindi lamang ng kaban ng bayan, kundi pati ng ating mobilidad.
Aaminin kong nanggagaling naman ako sa kamalayang de-motor. Bago ang pandemya, wala akong nakitang ibang posibilidad sa paglutas sa pagnanakaw ng panahon ng lungsod kundi ang motor. Ngunit ngayong nagkaroon ng paglusaw ng panahon, muli kong sinubukan ang bisikleta upang makapunta sa iba’t ibang lugar. Sa bawat biyahe, tinatanggap ko ang págod at hingal. Matapos, may dumarating na kung anong aliwalas. May kaunting nagbago sa sarili ngayon at maya’t maya kong tinatanggal ang makina ng aking motor upang mas maliwanagan pa sa halaga ng mobilidad. Sabi nga ng mga Ilokano:
Uray sadino ti papanam agtaltalnaka
[Saan ka man magpunta, maging maaliwalas.]
Roy Rene S. Cagalingan