Pagmumuni sa Pinagmulan 2: Mataba ang Puso

Noong nakaraang buwan, nagtrending sa social media ang mga retrato ni Binibining Angel Locsin na nagpapakita ng makurba niyang pangangatawan. Ganito rin ang naging kapansin-pansin para sa viewers ng kaniyang video serye na Iba ’Yan! Kabi-kabila ang reaksiyon ng netizens sa hitsura niyang ito, pinakamalalâ na marahil ang kumalat na komentong tinawag siyang “Thicc Chic”. Maraming netizens naman ang agad rumesponde at sinuportahan ang aktres. Nangibabaw ang kampanya para sa body positivity at pagpapaalala sa mga tao na huwag i-tolerate ang body shaming.

Sa gitnan ng kaabalahan ni Binibining Locsin sa pagtulong sa ating mga kababayan at tumugon sa mga pangangailangan dulot ng COVID-19 pandemya, muling binuhay ng netizens ang kaniyang pagiging Darna, dahil bukod sa pagtulong ngayong krisis pangkalusugan ay nananatili siyang isang mabuting modelo anuman ang isyu at paninirang ipukol sa kaniya. Muli, naging imahen si Binibining Locsin ng isa sa mga dapat mamayaning halagahan sa panahon ngayon ng mga palabas at pagpapanggap—ang pagiging komportable sa sariling katawan.

May kakawing na usaping inihaharap sa atin ang isyung ito. Sapagkat kilalá si Binibining Locsin sa kaniyang mga gawaing filantropiko at hayag na tindig sa mga isyung politikal, kakabit ng panawagan sa body positivity ang pagpapaalala sa bashers ng kabutihan ng aktres. Karamihan sa netizens ang nagsasabing anuman ang hitsura ni Angel Locsin ay mahal at hinahangaan pa rin siya ng mga tao dahil mabuti siya at mataba ang kaniyang puso.

Nagkakaroon ng redireksiyon ng isyu ng “katabaan” sa pagkakataong ito. Una, tumatawid ang konsepto ng “katabaan” mulang negatibo tungo sa positibong pagpapakahulugan nito. Sa ating kultura, lalo na sa panahon ngayong kabi-kabila ang advertisement para sa pagdidiyeta at paraan ng pagpapayat, ipinamumukha sa ating hindi normal o hindi “in” ang pagiging mataba.

Ikalawa, tumatawid ang pariralang “mataba ang puso” mula sa pisikal na manipestasyon nito tungo sa idyomatiko. Di man intensiyon ng mga tagasuporta ni Binibining Locsin, inilalayo nila ang usapin sa pisikal na anyo ng artista tungo sa isang katangiang mahirap sukatin at makita. Kinakailangan ng malalim na pagkilala (o matagal na pagsubaybay) sa aktres upang makita ito.

Sa social media, tila mga kabuteng nagsusulputan ang mga influencer na hinihikayat ang mga tao na gumamit ng ganito o ganiyang produkto o equipment upang pumayat. Bagaman kalát sa buong taon ang ganitong mga post sa social media, mas talamak ito tuwing nagpapaskil na ng New Year’s Resolution upang maabot ang kanilang #BodyGoalz.

Ngunit sa mga salita ng pagsuporta kay Angel Locsin, may nabubuo ang kabutihan sa pagiging “mataba” ng kaniyang puso. Sa simpleng pagbalik-tanaw sa ating mga terminong ginagamit para sa papuri, bukod sa tinuran kay Binibining Locsin, madaling mahahanap na pariralang kaugnay ng mataba at ginamit sa positibong paraan sa “mataba ang utak,” “nakatataba ng puso,” at “pataba sa lupa”.

Sa ating mga ekspresyong idyomatiko, ang pagiging “mataba” ay nangangahulugan ng kasaganaan sa nilalaman. Bakit nga ba iniuugnay natin o ng mga naunang Filipino sa isang positibong bagay ang “katabaan”? Sa anong punto ng ating pag-unlad nalimot ang halagahang ito? Nagumon na tayo sa pagpapaganda ng pisikal na katawan kaya nalimot usisain ang kalooban.—Maria Christina Pangan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: