Mulang Alimuom 5: Ilang Talâ sa Tanyag

Binibigyan táyo ng pandemya ng panahon upang maglimi. Panahon para magbulay-bulay sa mga bagay na may kinalaman sa ating umiiral sa lipunan. At isa rin sa mga nása isip nitong nagdaang linggo ang halaga ng mga artista sa ating panahon at ang panahon matapos ang krisis.

Mula sa mga sama-samang pag-awit ng mga banyagang artista upang pasiglahin ang madlang sumasamba sa kanila hanggang sa mga pasilip sa mararangyang silid ng ating lokal na artista, mahahalatang narito pa rin sila upang makuha ang ating atensiyon. Sa ating tumitingin, sinasabi nito na pagmasdan natin sila, tingnan ang kakayahang mapagbuklod-buklod táyo. Narito pa rin ang kapangyarihan nila sa ating pagtangkilik na paunang sinusukat sa likes, shares, at kakayahang maipakalat (ang pagiging viral).

Hindi ito pagdusta sa mga gawain ng mga sikát sa panahon ng pandemya dahil mayroon naman mga tunay na nagmamalasakit sa kanila sa kapuwa at hindi lamang nagpapakitang-tao (umaarte lamang?) sa mga madlang tumatangkilik sa kanila. Pauna na ang pagpupugay sa kanilang isinasama ang salitang pakikisangkot sa depinisyon ng artista bilang taong kinatatagpuan ng pagsasanib ng publiko at pribado.

Sa maikling pagtalos na ito sa ibig sabihin ng pagiging tanyag ay nais kong mapalitaw ang perspektibang maaaring makatulong sa atin upang maunawaan ang gampanin ng isang artista, ng isang manlilikha. Kayâ simulan natin sa pag-ungkat sa kahulugan ng tanyag. Narito ang mga kahulugan sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar:

Tanyág. pc. Ihayag, magpakita, matuklasan… Singkahulugan Tampak, handa, hayag, sabang.

Marami pang laro (banghay) ang naturang lahok sa Vocabulario na nagpapakita ng pagiging gamitin nito sa búhay ng mga sinaunang katutubo. Malinaw ang aspekto nitong may kinalaman sa palabas: ginagawa gamit ang boses (hayag) at itinatanghal ng katawan (magpakita); samantalang ang hiwaga ay makakatas mula sa papaloob na katangian ng pagtanyag o pagiging tanyag. Ang pagtuklas bílang operasyon sa loob ng tao ay maaari nating asahang may maidudulot—mabuti man o masama—sa kapuwang tumutunghay o sumusubaybay sa isang nagtatanyag.

Hinggil naman sa mga singkahulugan, masasalat din ang ugnayan ng salita sa pagsisiwalat. Dalawa sa hindi na masyadong gamiting salita ang nagpapaliwanag rito. Kapag tampak ang isang pahayag, ito’y mayroong linaw. Walang pausok o mga huwad na salamin na kaanak rin ng sabang na isang bagay na lantad sa lahat.

At ano ba ang inilalantad ng isang nagtatanyag sa kolektibong ito na tinatawag na madla?

Walang iba kundi puso. Puso itong hindi ibinabalot ng mga mensahe upang ikalakal ang susunod na bote ng shampoo o 3-in-1 plus 1 na ice cream. Puso itong hindi pinangungunahan ng paghahangad ng salapi sa harap ng paghihirap ng iba. Dapat din tayong matakot dahil ang ibang nagtatanyag o tanyag na ay nagbabalatkayo upang mapalitaw ang ilusyon ng pagkakaroon ng pusong mapagkakatiwalaan.  Puso itong maaaring gamitin upang linlangin ang kapuwa. Nagpapaniwala ito at ginagamit ang katanyagang upang magdulot ng pagdurusa sa iba. Sabihin na natin ang ilan sa karumal-dumal na “pagganap” na ginagawa sa ngalan ng ilang mga tanyag: ang manggagahasang laging nagmamalinis, ang magnanakaw ng panahon, ang galamay ng tiwaling politiko, ang nagiging politiko mismo, ang ganid na walang inisip kundi ang susunod na pagkakakitahan, at marami pang iba.

Marahil, matapos ang pandemya, may nabago na sa ating pag-iisip hinggil sa mga tanyag ngayong nakita natin na ang kapangyarihang tumangkilik ay nasa madla, sa madlang naliliwanagan sa mga kahulugan. Nakatutulong rin ang mga salawikain bílang wakas:

Puno sa kadunganan
Apan pobre sa kasingkasing.

Sebwano                                                                         

[Paapaw ang kantayagan,
ngunit puso’y kulang-kulang.]

Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: