
Isang Ribyu ng Tay Pilo ni Bayani Banzuela
Buong buhay tayong naghahanap ng paraan upang maging buo.
Para kay Yani Banzuela, ito ang sentral na suliranin na kailangan niyang matugunan sa koleksiyong Tay Pilo.
Binubuo ng siyam na personal na mga sanaysay, isang pagpupugay ang koleksiyon para sa alaala ng kanilang ama—na nabuhay gamit ang iba’t ibang pangalan—nakilalang Tay Pilo sa isang partikular na yugto ng kaniyang buhay.
Walang pag-iimbot na ibinahagi ng mananaysay ang kanilang buhay pamilya partikular ang relasyon ng kanilang nanay at nilang magkakapatid sa kanilang ama na hindi nila nakasama sa paglaki.
Sa introduksiyon, malinaw na ibabahagi ng mananaysay ang mga tanong na nais niyang hanapan ng sagot sa pamamagitan ng mga sanaysay: “Gaano katagal ang paghahanap? Gaano kailap ang pag-ibig sa isang Tatay na pinatigas ng isang digma? Gaano masusukat ang pag-ibig ng isang Tatay sa mga anak na hindi niya kadugo o kamag-anak?”
Isang unyonista at lider sa kanayunan si Tay Pilo; at sa paglaki ng mananaysay ay namulat silang paminsan-minsan lamang ito nabibisita. Sa kanilang pagkabata, namulat silang napagkakasiya ng kanilang ama ang pagmamahal sa kanila sa ilang araw na pagsasama. Isinisilid ng ama ang kanilang ugnayan sa mga lihim na sandali sa kaibuturan ng mga bundok at gubat.
Sa mga unang sanaysay, makararamdam ng pagtataka kung bakit wala ang kanilang tatay. Ipinakikita ng mga sanaysay kung paanong naipapasa ang tanong sa pamilya habang lumalaki ito—simula sa pagtatanong ng kanilang nanay nang ipinagbubuntis pa lamang ang panganay:
“Gusto mo ba kaming patayin ng magiging anak mo? Kabuwanan ko na, palagi kang wala, e, paano kung manganak ako? Sino ang mag-aalaga sa bata? TIgilan mo ’yang akti-aktibista mo, magpirmis ka na lang sa bahay.” (mula sa “Pakat”, pahina 10)
hanggang sa paglaki ng mananaysay, bilang bunso, ay nasa ganito ring linya ang kaniyang mga pag-uusisa:
“Pero kung matapang talaga siya, bakit niya kami hinayaang magutom at iwanan nang mag-isa si Nanay sa responsabilidad ng pagpapalaki sa amin? Kung matapang si Tatay na gustong sabihin sa mga kuwento ni Nanay, paano niya natiis na lumaki kaming magkakapatid ko sa aming mga tiyuhin at tiyahin? At ang masakit, ang hayaan niya kaming magkawatak-watak?” (mula sa “Sina Tatay at Nanay: ang Malaking What If?”, pahina 27)
At sasabihin ng mananaysay na nagsisinungaling siya sa ilang mga kalaro at kaklase na nasa abroad ang kanilang ama.
Hindi lamang ang pagpapaniwala sa sarili na isang OFW ang kanilang ama, minsan din ay magkakaroon ng mangilan-ngilang sandali ng pagtatanong sa lumalabong relasyon ng ama sa anak:
“Mas kilala ng Tatay ko ang mga kasama niya kaysa sa amin. Alam ko ’yun, dahil noong minsang nagkasama na kami pagkalipas ng labing limang taon, may kumperensiya sa Department of Agriculture (DA) na siya ang naging delegado ng Albay. Nakalimutan niya ang pangalan ko.” (mula sa “Pagpatag sa Pangalan ni Tay Pilo”, pahina 51)
Bagaman sa buong koleksiyon ay tinatalakay ang dahilan ng pagiging absentee father ni Tay Pilo, mistulang sinasamahan natin ang mananaysay sa unti-unting pag-unawa sa landas na tinahak ng ama. Unti-unting isisiwalat ang mas malaking sakripisyong ginagawa ng kanilang ama para sa mga mas nangangailangan nito—sa mga kapuwa niya manggagawa, mga mangingisda, magsasaka sa kanayunan. Ang pagiging ama nito sa mas maraming uri ng nangangailangan.
At paanong mapagpupugayan ng isang anak ang dakilang buhay ng kanilang ama? Sa pamamagitan ng pagsasabuhay at pagsusulong ng mga prinsipyong ipinaglaban ni Tay Pilo.—Maria Christina Pangan