Mulang Alimuom 4: Ang malasahan ang tákot o ang salawikain bilang protesta

Sa paglalakad sa nagdaang protesta, hindi ko maiwasang maramdaman ang sigla ng pakikisangkot sa harap ng pangambang dulot ng napipintong pagmamalupit ng mga awtoridad. Maulan man ay hindi pumanaw ang diwa ng pakikibaka at pakikisangkot. Kahit kumalat na ang balita na may ilang insidente ng pagharang ng awtoridad sa mga makikiisa sa rally. Kahit ipinakita ng estado ang dahas nito sa ginawang paghuli sa mga aktibista sa UP Cebu. Tunay ngang hindi nasayang ang pagdiriwang ng araw ng kalayaan nitong lumipas na Biyernes.

Ngunit babalik ako sa paglalakad, sa paglibot sa protesta. Paborito ko na yatang gawain ang basahin ang mga plakard na tangan-tangan ng mga nagpoprotesta. Iba-iba ang hagod, iba-iba ang mensahe, ngunit laging may matuturol na diwa sa hulí. Naroon na ang maraming permutasyon sa “junk terror-bill” at ang pangangalaga sa kalayaan (dahil sa espiritu ng okasyon at ang panunupil sa ating kalayaan), ngunit talagang kahanga-hanga ang kayang gawin ng haraya sa protesta.

At patunay nga na isa ring matalino at mahalagang ekspresyon ang mga nakasulat sa mga plakard na ito. Isang anyo ng pagpapahayag na kaugnay ng salawikain. Bilang anyo ng tula, nakapaloob sa salawikain ang ipinapasang karunungan ng isang lahi. Isa ito sa pinakamatandang anyo ng tula ng ating mga ninuno kasama ang bugtong. At kung ang bugtong ay may isang sagot lamang, maaari namang manganak ng iba’t ibang pakahulugan at aral ang salawikain batay sa konteksto at sitwasyon. 

Kagyat munang paliwanag: kung kinakailangan ang dalawang taludtod na nagtutugma upang makabuo ng salawikain, mas maikli pa ang pagkakabuo ng sawikain na isang linya lamang. Ating subukan ang pagkatas sa sawikaing Tagalog na ito para sa ating kasalukuyang lagay:

Bunga ang tákot ng pag-ibig

Aking hihimayin ito sa tatlong pangunahing salita sa sawikain: ang konsepto ng bunga, ang tákot bilang bunga, at ang presensiya ng pag-ibig sa likod ng tákot.

Una, ang konsepto ng bunga ay nakaugat sa pinanggagalingan nitong punò. Hindi naman para sa mga kanluranin lamang ang ekspresyon hinggil sa pinagmumulan ng bunga. Sa daigdig ng sawikaing nabanggit, ang katutubong pandama ay maihahambing sa lupaing hitik sa iba’t ibang punò ng damdamin. Matatanaw at mapipitas ang mga bungang ito ng sinumang nakatindig sa katutubong lupain. Ngunit hindi lamang siya tumitikim ng mga bunga at nagpapakasarap sa mga ito dahil nagiging gampanin niya rin na linangin ang lupaing ito ng kaniyang mga damdamin at mithiin.

Ngunit hindi lahat ng bunga ay kanais-nais sa panlasa. Maraming maaaring magpabago sa lasa nito. Maaaring salakayin ng mga ibon o masungkit. Maaari itong malaglag nang maaga o kusang malaglag sa kahinugan. Sa isang kakain ng bungang taliwas sa inaasahang lasa, maaaring pagdudahan niya ang sariling panlasa o mapatunayan ang alam na ng dila niya noon pa. Ngunit hindi niya kailangang kasuklaman ito. Dahil ang paglasa sa tákot ay pag-iral lamang ng isang damdaming nakahihigit rito. 

Sa pagbuo ng diwa ng sawikain, mahihinuhang ang pag-iral ng tákot ay ang pamamayagpag ng dalisay na pag-ibig. Kung mayroong presensiya ng pag-ibig, ang tákot—ang maramdaman ito—ay nagtuturo na hindi permanteng katayuan ang pamamayagpag ng hilakbot sa harap ng pag-ibig. Natatakot táyo dahil umiibig táyo.  Sa hinaharap nating krisis, mas nakatatakot yatang isipin na may ibang sawikain ang mga nais magpalaganap ng tákot lamang. Nasa bibig pa nila ang mga nabubulok nang bunga.—Roy Rene S. Cagalingan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: