Para sa unang maikling sanaysay na kontribusyon ko sa Diwatahan, pinagpasiyahan kong magmuni tungkol sa isang paksang malapit sa aking puso; hindi lamang bilang isang nagsusumikap na iskolar kundi bilang kasapi ng isang komunidad pangwika.
Hangad kong makilala ang sarili sa pamamagitan ng pagmumuni ukol sa pangkat na kinabibilangan ko—ang Itawit.
Matatagpuan ang kalakhan ng mga Itawit sa ilang bayan sa Cagayan at Isabela. Sa census ng National Statistics Office noong 2010, tinatayang 225,744 ang mga tagapagsalita nito. Sa klasipikasyong binuo ng Komisyon sa Wikang Filipino, “ligtas” ang istatus ng Itawit[i]. Ibig sabihin, may sapat na bilang ng mga tagapagsalita at nagkakaroon ng interhenerasyonal na pagpapasa ng wika kung kaya hindi ito nanganganib maglaho.
Ilan sa mga alternatibong tawag sa wikang ito ang “Ytaves, Itaues, Ytaues, Itawis”. Sa kasalukuyan, ginagamit kapuwa ang “Itawit” at “Itawis/Itawes” upang tumukoy sa wika at sa tao. Bahagi rin ng programang Mother Tongue-Based Multilingual Education ng Department of Education Rehiyon 02 ang Itawit at ang hakbang na ito ang siyang nakatulong sa wika upang mas makilala ng nakababatang henerasyon at maisapopular ang pasulat na anyo nito. Ilang pangkat pang-Itawit na rin ang umiiral sa social media at nakapaghihikayat sa mga Itawit sa buong mundo na maging bahagi ng birtuwal na komunidad na ito. (Kung interesado, maaaring itsek ang ilan sa Facebook pahina ng mga pangkat na ito. Para sa de-kalidad na nilalaman ukol sa Itawit, maaaring bisitahin at i-like ang Itawit Nak. 🙂 )
Sa kasalukuyan, sa dami ng daluyan ng impormasyon at mas malawak na akses sa mga sanggunian hinggil sa Itawit, isang interesanteng paksang maaaring taluntunin ay ang etimolohiya nito.
Ginagamit na sanggunian hinggil sa pinagmulan ng “Itawit/Itawes” ay ang Handbook of Philippine Language Groups ni Teodoro Llamzon (1978) na inilathala ng Ateneo de Manila University Press. Ayon sa kaniya, mula ang “Itawes” sa “i-” na nangangahulugang “mga tao” at “tawid” na nangangahulugang “sa kabilang pampang ng ilog” (across the river).
Ang etimolohiyang ito ang matagal ko nang pinagtatakhan. Mula nang mabása ito sa pinakabagong edisyon ng CCP Encyclopedia of Philippine Art tomo ng The Peoples of the Philippines, tanging ang pahayag ni Llamzon lamang din ang ginamit na sanggunian. Gayundin, sa simpleng paghahanap ng online na artikulo, si Llamzon ang palaging reperensiya.
Maraming tanong ang bumabagabag sa akin hinggil sa tinurang pinagmulan ng “Itawit”. Una, ano ang wika ng nagbansag sa “Itawit” bilang “Itawit/Itawis”? Kaugnay nito, anong wika ang gumagamit ng panlapi na “i-” upang tumukoy ng “mga tao”? Ganito rin ba ang maaaring magamit na pagpapakahulugan para sa pinagmulan ng “Ivatan”, “Ibanag”, “Iloko”, at “Ibaloy”?
Sa gramatikang Itawit, hindi ginagamit ang panlaping “i-” para tumukoy sa mga tao. Madalas itong ginagamit para sa pagganap ng kilos na isinasaad ng salitang-ugat—may katulad na gamit gaya sa wikang Filipino—gaya sa “iguhu” para sa “isuot” at “iturak” para sa “isulat”.
Gayundin, anong pinagmulang wika ang “tawit/tawis” o ang tinutukoy ni Llamzon na “tawid”? Sa aking pagtatanong sa nakatatandang mga Itawit, walang ganitong salitang-ugat sa aming wika. Hindi rin ito mula sa wikang Ibanag sapagkat ang “tawid” (to cross) ay nangangahulugan sa kanila na “gaddang” o “makkasô”
Ang mga tanong na ito ang nais kong iwan pansamantala sa mga mambabasa. Sapagkat, gaya ng ipinapalagay na kahulugan ng “Itawit”, kailangang sumuong sa ilog ng mga sanggunian at magkaroon ng malalim at malawak na pag-aaral. At sa hulí ay makatawid, at mas maging malinaw ang pagkakakilanlang Itawit.—Maria Christina Pangan
Pasasalamat kina Archie Maramag at Jake Calubaquib Coballes para sa impormasyon hinggil sa Ibanag.
(i) Komisyon sa Wikang Filipino. Atlas ng mga Wika ng Filipinas. Lungsod Maynila: 2015.