Mulang Alimuom 3: Sarap ng búhay kapag nauunawaan ang lasa ng ginhawa

“Sarap ng búhay.”

Umalingawngaw ito kamakailan nang sabihin ng isa sa mga kagalang-galang na senador ng bayan hinggil sa paraan ng kanilang pagpupulong. Malamang nasambit niya ito sa maaliwalas niyang tahanan. Malayo sa init at sa nakaambang panganib ng lansangan o anumang sulok ng ating mga lungsod at bayan sa ilalim ng krisis pangkalusugan. Kung iisipin, bakâ ibig niyang sabihin na masarap ang búhay niya at ang sinumang nagsasabi nito sa ganitong paraan ay isinasantabi ang sanlaksang búhay sa labas niya. Ngunit ang lipunan natin ay binubuo ng maraming búhay, mas marami pa sa búhay ng mga nakatira sa nabanggit ko nang mga banyagang barangay. Para sa mga kabarangay natin, ating sisilipin ang ilang kahulugang bumubuo sa pahayag na nabanggit.  

Una, kailan nga ba nagiging masarap ang búhay? Magandang maunawaan muna natin ang ilang sinaunang pakahulugan rito mula sa Vocabulario nina Noceda at Sanlucar:

Saráp. Pc. Isang bagay na malasa. Sumarap, magiging ganito. Makasarap. Magdulot ng kasarapan, o bigyan ng sarap ang isang pagkain.

Hindi ko na isinama ang iba pang banghay ng salita, ngunit makikita na natin dito ang pagiging partikular ng salita sa panlasa. Ang pagkakaroon ng lasa—ang pagiging malasa—ang nagdudulot ng sarap. Sa pagkakaroon ng lasa, lumalayo tayo sa karaniwang estado ng mga pagkaing hindi pa natitimplahan. “Matabang” ang madalas nating itinatapat sa kawalan ng lasa. Kapag lumalabis naman ang lasa, ating ginagamit ang mga katangiang bumubuo sa hiling nating armoniya ng mga lasa upang sabihing masyadong “maalat,” “maasim,” at “matamis” ang ating mga natitikman.

At ginagamit natin ang paglasap sa sarap ng búhay dahil isang mahabang pagkain ito. Maituturing ang mga danas natin bilang pagtamasa ng masasarap o pagtikim sa mga labis-labis na kasawian. Sa nahuling binanggit, nariyan na ang halimbawa ng mga kasabihan tulad ng “tumabang ang pagsasama,” “umasim ang mukha,” “mapait na karanasan” at iba pa. Nagiging sukatan ang panlasa sa kalidad ng búhay at madalas ito ang nagiging simula at wakas ng panukat ng mga nasa banyagang barangay. Nasasanay ang mga panlasa nila sa karangayaan, sa mga luho, sa labis-labis na nabibili ng kanilang salapi at kapangyarihan. Lagi na nating aasahan na ang panlasa o ang pagbabago nito ay bumabago rin sa dila ng nagsasalita.

Mabuti na lamang at walang may monopolyo sa pagtamasa ng sarap na ito. Walang may hawak sa panlasa at dila ninuman. Sa dulo, nais kong isipin na tinatahak natin ang pagnanais sa búhay na masarap dahil likas sa atin ang maghangad ng ginhawa. Tingnan natin ang kahulugan nito muli sa Vocabulario:

Ginháua. Pp. Ginhawa, bumuti, pahinga. Ito ay salitang-ugat na ang gamit ay tulad ng pag-uri: Ginhawa kayong lahat.

Sa ating pagtahak sa búhay mulang pagtatapos ng araw at paghahanapbuhay hanggang sa mga malalayong pangarap, hinahangad nating malagay sa kondisyong ikabubuti ng ating katawanan. Ang pagkakaroon ng pahinga ay ang pagtanggap ng bagà ng panahon upang lasapin ang hangin malayo sa hapo at paghihikahos. Posible ba ang paghahangad lamang ng ginhawa para sa sarili at sa iilan lamang? Bakâ hindi nauunawaan ng isang dilang nagbanyuhay ang salitang ito. Kung hindi nauunawaan, mahirap nang asahang hahangarin niya rin ito para sa kapuwa. Ulit-ulit, mauuwi siya sa patibong ng mga huwad na konsepto ng mga pansarili at makasariling sarap.—Roy Rene S. Cagalingan 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: