Pinatutunayan ng krisis pangkalusugan na ito na pinaghihiwalay tayo ng wika. Pansinin kung sino ang gumagamit ng Ingles upang maihiwalay ang kanilang mga sarili sa “iba” o sa mga gumagamit ng Filipino at katutubong wika. Gamit ng mga kapuwa nating ito ang “frontliner,” “stay at home,” “new normal,” “help save lives,” at iba pang salitang naglalaman ng kanilang paniniwala sa pangangasiwa (o kawalan nito) sa panahon ng pandemya.
At kahit sa ating gumagamit ng mga katutubong wika, nagiging bahagi na ng ating pananalita ito. Hindi naman masama kung para ito sa kaligtasan natin, ngunit nag-iiba ang layunin kung ito mismo ang nagiging dahilan upang maipataw sa kapuwa ang katayuan o “uri” na iginigiit sa pamamagitan ng wika.
Dito nagsisimulang magtayô ng tatawagin nating “banyagang barangay” sa gitna ng ating pamayanan na nakatindig sa katutubong lupain. Mga barangay ito na gumagamit ng wikang banyaga, Ingles sa halos lahat ng pagkakataon, upang maihiwalay ang sarili sa mas nakararaming gumagamit ng katutubong wika. Ginagamit nila ang kanilang “tatas” sa Ingles upang masabi na may edukasyon sila, na may nakaaangat na estado sila mula sa mga karaniwang mamamayan. (Sasabihin ko rin na hindi lahat ng nag-i-Ingles ay ganito, may mga mas makabayan pa sa mga mahilig magtanghal ng pagmamahal sa sariling wika tuwing Agosto).
At kapag labis ang pagtitiwala natin sa Ingles, kapag nagiging isang monolitikong barangay o kinatha nang lungsod ang nasabing pook, lumilikha ito ng mga anino at itinatago sa lilim ang mga gusali’t estrukturang masasabi nating atin. Hindi na natin nakikilala ang sarili dahil ang wika na ng iba ang ginagamit natin bilang salamin at pangkompara sa mga sariling madalas pinalilitaw na bansot at mas mababà.
Narito ang halimbawa.
May isang iginagalang na manunulat sa Ingles na nagsabi na marami sa mga “panghihiram” ng Tagalog ay batay sa pandinig at hindi sa kahulugan. Nagising ang diwa ko sa sanlaksang tilaok nang sabihin niya na mula ang salitang “suot” sa Ingles na “suit” at bunga ito sa estilong “suit and tie” ng pananamit na ipinakilala sa atin ng mga Americano. Isang tahasang pagtalikod ito sa kasaysayan ng mga salita o maituturing na ring paghamak sa mga katutubong ninuno. Sa operasyon ng “suit” bilang nagmunula sa “suit,” tila ipinamumukha na wala tayong sariling kultura ng matinong pananamit bago dumating ang mga banyagang Americano. Nakahubad tayo lagi (o nakabahag) at nasa kadiliman ng kamangmangan sa harap ng banyagang paningin.
Kung sinuri lamang niya ang Vocabulario de la lengua tagala (1755), makikita niya na katutubong salita ang “suot” at ganito ang lahok:
Sóot pp. Sumuot katulad sa bútas, sumuot. Kapag sa maraming bahagi, Magsuot.
Bahagi lámang ito ng nabanggit na kahulugan at banghay mulang mas mahabang unang lahok para sa “sóot.” Nagpapatunay ang tatlo pang lahok rito at mga kasamang banghay sa pagiging gamitin ng salita at ang halaga nito sa pamumuhay noon ng mga katutubo.
Sinasadya natin ang mga bútas kapag sumusuot táyo sa kahulugan. Madaling paniwalaan ang mga edukado’t taliba kuno ng kultura at karunungan kung nagmumula sila sa nasabing banyagang barangay. Napakadaling maniwala; napakadaling malinlang. Ngunit sa mga nais katasin ang mga hiyas na nakapaloob sa sariling wika, isang mapangahas na gawain ang paglikas sa mga nakatirik na banyagang barangay sa ating isip.–Roy Rene S. Cagalingan