Napadaan ako sa salitang “alimóom” sa matandang bokabularyo nina Noceda at Sanlucar. Marahil sa iba, pamilyar na ito para sa samyong sumisingaw sa lupa matapos umulan. Nakahahalinang halimuyak para sa akin. Hindi matatakasan liban na lamang kung may nais kang takasan. Ngunit mahirap talikuran ang mga kahulugan.
Kung titingnan ang lahok, parang malayo sa mas alam nating kahulugan ngayon:
Alimóom. pp. Isang pook na madilim na nagdudulot ng lumbay. Maalimoom. Maging nasa pook na ganito: ito rin ang sinasabi sa isang naghihinagpis na puso. Um, magkaganito: alimoomin mong itong saging. Kulubin ang mga ito upang mahinog.
Narito naman ang lahok sa mas modernong UP Diksiyonaryong Filipino:
Alimúom png 1: singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon.
Babanggitin din naman sa mas makabagong diksiyonaryo ang ugnayan ng salitang ito sa “alimoom” at “alisugásog” ng mga Ilokano. Ngunit magandang talusin ang dahilan at kung bakit nagiging espesipikong pook ang alimoom. Nagiging espesipiko ito dahil ang pagparito ay nagdudulot ng tiyak na emosyon—ang lumbay. Muli, sa matandang bokabularyo, napakaraming pagbabanghay ng “lumbay,” at ibig sabihin, isa itong damdaming kinikilalang likas ng katutubo. Para sa ehersisyong ito, kakatig na tayo sa pangunahing kahulugan nito: ang kalungkutan at pighati.
Dahil ba madilim kayâ makararamdam ng lumbay ang isang nása pook na maalimóom? Maaari. Nagbibigay ang ganitong uri ng pook ng pagkakataon upang magbulalas ng mga damdamin. Maaaring mag-isang magtutungo sa malalim na bahagi ng kagubatan ang isang katutubo upang maghinagpis. Ang mismong kawalan ng liwanag ang magpapaigting sa kaniyang kawalan ng pag-asa, ng paglaho ng ligaya. Kung bubuoin pa natin ito, bukod sa gubat, maaaring tagong bahagi ito ng kuweba, o ang liblib na tagpuan sa dalampasigan. Anumang pook na pinaglalagian ng dilim ay nagiging maalimoom.
Mapapansin din ang talaban ng liwanag at dilim na mararanasan kapag nagtungo rito. Una, manggagaling sa isang pook na maliwanag tungo sa kadilimang may kakayahang magdulot ng lumbay. Maláy namang gagawin ito ng katutubong magtutungo mula sa liwanag papuntang dilim. Bakâ kinakailangan at ang maalimoom na pook ay akmang lugar sa paglilimi, sa pag-unawa ng dinaramdam. At kapag natapos na ang pagpapalabas ng damdamin, maaari na muling bumalik sa liwanag. Marahil bumabalik siyang mas magaan dahil may bigat na iniwan sa pinanggalingan. May ibang pananaw ang nanggaling sa alimoom sa mga bagay na hinihipo ng liwanag dahil kinalinga siya ng dilim.
Pero bakit ito naging partikular na amoy?
Isama na natin sa usapan ang ulan. Kinikilala ng salita ang kakayahan na mapasingaw ang pakiramdam. Kung naroon ka sa pook na maalimuom, marahil, hindi ka kaaagad makababalik sa pinanggalingan kapag nagpakawala ang langit ng ulan. At kapag nagsimula na itong pumatak, may unti-unting sumisingaw. Lalo pa itong nagpapakilala sa nakikiramdam, ang lumbay. Naiwan ka sa pook na madlim, malamig, at may ipinagugunita sa iyong masaklap na danas. Marahil, sawing pag-ibig o anumang kasawian. Kinakailangan nating balikan ang mga sagrado’t karaniwang pook ng ating mga ninuno. Mulang alimoom, tinutuklas natin ang mga kahulugan sa liwanag at dilim.–Roy Rene S. Cagalingan