Mga Sandali ng Pamana

Papa Teyo ni Mia Baquiran, guhit ni Juno Abreu

Paano nga ba isisilid sa maiikli, simpleng pangungusap ang konsepto ng pagtanda at pamana na tiyak mauunawaan ng isang bata?

Mahusay na inilahad ang mabibigat at abstraktong mga konseptong ito sa Papa Teyo ni Mia Baquiran; nananalig ang aklat sa halaga ng saglit upang maibahagi ang mga konsepto at halagahang ito sa target na tagabasa nito.

Aklat pambata ang Papa Teyo na nasa wikang Ibanag. Kuwento ito ni Lucy at ng kaniyang lolong si Papa Teyo na siyang nagsisilbing tagapagbantay niya. Isinasalaysay ni Lucy ang mga masayang sandali kasama si Papa Teyo—mula sa pagtuturo ng mga awiting Ibanag hanggang sa paghahatid sa kaniya sa paaralan. Isang araw, ang kaniyang ina ang naghatid sa kaniya sa paaralan. Nag-alala si Lucy sapagkat inaakala niyang galít ang kaniyang Papa Teyo sa kaniya. Sinabi ng kaniyang ina na nagkasakit lamang si Papa Teyo at nagpapahinga sa kaniyang silid. Nang malaman niya ito, naisip ni Lucy na gumawa ng kard para sa paggaling ng kaniyang Papa Teyo. Nagpasalamat naman si Papa Teyo nang matanggap ito.

Target na mambabasa ng aklat na ito ang mga mag-aaral mulang Kinder hanggang Ikatlong Baitang—mga baitang na nasa programang MTB-MLE. Lubos na nakatutulong ang aklat na ito upang maipakilala ang wikang Ibanag sa mga bata sa gayong edad (at kahit sa mga nakatatanda) at magamit bilang materyales pampagtuturo ng mga guro ng MTB-Ibanag.

Kaugnay ng paghahandog ng aklat ng akses sa wikang Ibanag para sa mga guro at estudyante ng MTB-MLE, isang mahalagang aspekto din ang wikang ito sa kuwento na sinasalamin sa ugnayan ni Papa Teyo at ni Lucy. Repleksiyon ng karunungan ng kulturang Ibanag si Papa Teyo at sa pamamagitan ng pag-aalaga niya kay Lucy, hindi lamang niya tinitiyak ang kaligtasan ng kaniyang apo kundi nagpapasa siya ng karunungang-bayan na nasa kanilang wika. Isa sa mga paboritong itinuro ni Papa Teyo kay Lucy ang isang awiting-bayang Ibanag na “O Lappaw” (O Bulaklak).

Nakahihikayat ang aklat na magamit ng mga bata ang kanilang katutubong wika, at matutuhan ito sa tulong ng pamilya at iba pang kasapi ng komunidad.

Isa pang mahusay na inilahad ng aklat na ito ang normalisasyon ng ibang setup ng pamilya. Wala ang tatay ni Lucy at ang kaniyang kinagisnang ama ay si Papa Teyo. Iniiwas tayo ng aklat sa paghahanap ng isang ama—sa klasikong komposisyon ng pamilya—at sa paggiit na tungkulin ng isang ina ang pag-aalaga sa anak. Sa kuwento, ang nanay ni Lucy ang siyang naghahanapbuhay sa pamilya kaya tumatayong tagapag-alaga niya si Papa Teyo.

Sa aspekto ng halagahan, itinuturo sa atin ng aklat na ang matatanda (sa lipunan) ay mga di-matatawarang kamalig ng karunungan. Lumayo na sa gasgas nang halagahan ng “paggalang sa nakatatanda” ang Papa Teyohindi lamang simpleng paggalang sa nakatatanda kundi pagkilala na kahit nasa ganoong edad na sila ay mahalaga silang bahagi ng komunidad; lalong-lalo na sa paghulma sa kamalayan ng nakababatang henerasyon. Gayundin, nagsisilbing modelo si Lucy sa mga batang Ibanag upang mahikayat silang tuklasin ang mga pamana ng kanilang kultura at upang makita ang pagpapahalagang ito sa mga nakatatandang kasama nila sa tahanan.

Sa huli, nagmumulat din ang aklat na matuklasan ng mga nakatatanda ang kanilang katutubong wika bilang kamalig ng karunungan at lumikha ng mga sandali upang maipamana ito sa nakababatang henerasyon.—Maria Christina Pangan

Mabibili ang Papa Teyo sa halagang PHP180.00 sa Pumplepie Bookstore <pumplepie.com> o sa Aklat Alamid sa kanilang FB pahina.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: