Kapag Naghalungkat, Magtangkang Umawit

Alikwat ni Nat Pardo-Labang

Hinabing Salita Publishing House, 2018       

Sa Vocabulario de la lengua tagala (1750), isang gawain ng “pagkuha mula sa kailaliman” ang binaybay noon na “alicuat” ng mga Español mulang “alikuat” ng mga sinaunang Tagalog. Isang napakahalagang gawain ito sa mga katutubo noon na maaari din nating ihanay kasáma sa gawain ng paggunita, pagbulay-bulay, at paglilimi. Sa proseso ng pagdukot mula sa kalooban, may mga bagay na mas mauunawaan ang gumagawa nitó sa sarili. Proseso itong kinakailangan ng panahon. Maaaring kinakailangan ng distansiya mula sa mga damdamin.

Isa rin palá itong gawain ng makata.

Mula sa pinakamaagang pakahulugan ng “alikwat,” tinatahak naman ng Alikwat ni Nat Pardo-Labang ang posibilidad na manganak ng iba-ibang kahulugan ang mga tinipong danas at kinathang pagsasandali. Madalas tahimik, hindi lumalamon ng espasyo at paningin ang mga tula ni Pardo-Labang sa koleksiyon. Ngunit ang pagiging tahimik na ito ay kasangkapan din upang mapagitaw ang mga tunog at narinig—ang tatawagin nating “laging tangkang-awit”—na maláy na ginagawa ng makata sa mga persona niyang sumasaksi sa mga kahindik-hindik na pangyayari.

Ano muna ang birtud ng “laging tangkang-awit?” Matutunghayan ito sa mga tulang laging nása bingit ng pag-awit. Nása tugma’t sukat o malayang taludturan man, may sinusundang indayog ang makatang mayroong naririnig. Umaawit ang tula sa paglalaro ng makata sa pagiging maláy at hindi sa mga tunog na ito. Lagi, ito ang bumabagsak ng katahimikan sa isang nagtatangkang magbasá tungo sa isang natututong makinig.

Sa ribyung ito, nais pagitawin ang “laging tangkang-awit” na ito sa dalawang pag-uuri sa koleksiyon ni Pardo-Labang: ang pagsaksi sa lungsod at ang muling-salaysay ng mga katutubong mito.

Sa lungsod, isinisiwalat niya ang pananahan ng tula at salita sa rungis at gulo mismo nitó. Matatagpuan ang mga salita sa: sa mga dambuhalang gusali, / mga bagon at riles, mga daang-silong, / abenida’t ped xing, / sa mga basurang lumulutang-lutang sa Ilog Pasig… (“Ang Ipinipintig Nitong Lungsod”). Sa dulo, lumilitaw na ang lungsod ang nilalang na “pumipintig” ng mga tula at salita mula sa mga tanawing karaniwan na sa isang nakatira rito.

Magtutuloy ang turing na nilalang sa lungsod sa pagsuot nitó sa ibang sitwasyon. Sa “Lumuluha ang Lungsod,” nagsasapook ito sa Lungsod Marawi na: Ang natira sa kaniya’y mga dingding / na butas-butas at walang bubong, / basiyo ng mga bala at bombang sumabog, / mga di makilalang bangkay. Tila napakahirap umawit sa ganitong pagdanas ng dahas, ngunit ano nga ba ang magagawa ng personang lungsod na lumuluha kundi ang magtuloy: “hanggang sa mawala ang mga bakas ng pula, / at itatayong muli ang mga moske / ng kaniyang pananampalataya. [Ang maganda rin palang tanong sa labas ng teksto, ano na ang nangyari sa Marawi?]

Ang ikalawang urian naman ay gawaing nag-aambag sa pagpapayaman sa pag-alam sa katutubo. Sa pagkasangkapan, halimbawa, sa salaysay ng diwatang Makiling, ginamit ang kanlurang anyong villanelle upang matahak ang paglapastangan sa gunita ng diwata. At ilang ulit na itong isinalaysay sa nagdaan, maghihiganti ang diwata o kusa siyang maglalaho. Ngunit maiiba ito tungo sa mas nakagigitlang dahas sa naghahalinhinang taludtod na: isinilang sa liwanag ng bituin. Sa ‘yong dibdib kaming dukha ay paslangin (“Maria Makiling”).

Makikita rin ang pagpihit na ito sa “nalalamang” katutubong nakaraan sa pagbibigay ng gampaning inakalang para lamang sa iba. Sa “Babaylan,” inaangkin ng persona at inihahandog sa iba, sa tayo, ang tungkuling para lamang sa ilang pinili. At bakit ito ginagawa, ang pagkakaloob ng gampanin sa iba? Sa dulo ng tula, sa pagyakap ng tungkuling ito ng katutubong nakaraan, lumilitaw na: Tayo pala ang tagapanumbalik / ng mayaw, tagapagpagaling / ng malubhang diwa, / ang tagapagbantay at tagapagbalik / ng mga gunitang sa atin ay lumimot.

Sa pagtangkang-awit ng mga tulang ito, ibinahagi rin nito ang halaga ng gunita, ang kakayahang umalala na nagmumula sa kasalukuyan ng ating mga lungsod hanggang sa malayong hinagap ng mga ninunong babaylan. Malayo ang pinanggagalingan ng mga awit na ito. Mas nakatatakot kung malayo ang pakikiramdam dito mula sa kalooban. Kapag naghahalungkat sa loob, sari-saring munting hiyas ng galak at dusa ang lalabas na mga tangkang-awit. Mahalaga lagi ang maghalungkat at magtangka. —Roy Rene S. Cagalingan

Mabibili ang aklat sa FB: Hinabing Salita Publishing House.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: