Ang Nakahihigit na Pag-iral

Sa Ibang Katawan ni Lean Borlongan

Isang mapitagang paglalantad sa sarili ang pangalawang aklat ni Lean Borlongan na Sa Ibang Katawan. Ginagabayan táyo ng mga taludtod na manghimasok sa katawan ng tíla iisang personang nagsasalita sa buong koleksiyon. Sa simulang bahagi ay may pagtitimping ipakilala ang kondisyon ng katawan—ang pagkakaroon ng mild hydrocephalus—mula sa pasulyap ng mga dokumento medikal hanggang sa paglalahad ng reaksiyon at pagturing ng iba hinggil sa kondisyong dinadala.

Para sa persona na may dinadalang ganitong kondisyon, mas masidhi ang lunggati sa pagkakaroon ng ibang katawan, na nagkaroon ng manipestasyon sa ilang taludtod sa “Ngayong Gabi”:

Lilinisin ko ang sarili sa tubig
at sabon kahit hindi malusaw
ang dumi, ang mantsa, ang katotohanan—
ang kapansanang nagkait sa akin
sa pag-ibig at laman.
Masisisi ba ninyo
kung bago isara ang gripo
narito ako sa banyong
Naghahangad
nagnanasang manahan
sa ibang katawan?

at sa “Ang Hindi Matanggap”:

Ano at itinangi siya
ng romantikong sira?
Hindi niya matanggap
ang kaniyang katawan.
Hindi niya matanggap
na gusto niyang tanggapin.

Upang matupad ang lunggating ito, naging paraan ng persona ang wika. Nakahanap ng kanlungan ang persona sa wika bílang kaniyang “ibang katawan”. Sentral na mensahe ng buong koleksiyon ang kapangyarihan ng wika upang katawanin ang katawan at ang pag-iral ng persona. Nananalig ang persona sa wika—sa salita—upang maigiit niya ang isang pag-iral sa ibang katawan na walang manipestasyon ng kaniyang kondisyon. Ganito ang mababása sa  pambungad na tulang “Bukambibig”:

Hindi ako masalita
gayong laging may nais
sabihin….

Ngunit may alinlangan pa rin ang persona sa kakayahan ng wikang sinasalita upang igiit ang kaniyang pag-iral sa “ibang katawan”. Sa “Pagsakay sa Jeep”, binabanggit ng persona ang kaniyang pag-aalala tuwing sumasakay ng dyip:

…Dahil sa wari ko
pagbubunyag ng sariling
kahinaan ang bawat pananalita.

Ilang sipi rin sa dokumento medikal ang ipinaliliwanag ang hirap sa wikang pasalita ng persona: “The strength of the tongue and the lips is inadequate thus producing a slurred speech. This also reflects an imprecise articulation of the tongue and the lips.”

Kayâ, sa hulí, nanindigan ang persona sa pagsasakongkreto ng pag-iral hindi sa pamamagitan ng wikang pasalita kundi sa wikang nakasulat, partikular sa pagtula, na siyang pasulpot-sulpot na mensahe sa buong koleksiyon gaya ng nabanggit sa “Bukambibig”:

…Ang mga salita
kinikipkip ko at itinutula
isinusulat ng kamay sa nginig
mga sulat sa pahinang
para ring kinalahig.

at sa “Sa Pagtula”:

Narito ang damdaming
hindi mailahad nang hayag
pagtingin at pagtanging
di magawang sabihin
narito ang ibig
ang tapat
ang tunay kong tinig.

Sa kabuoan, naghahandog ang Sa Ibang Katawan ng pagtuklas ng mga paraang mabuhay nang may kondisyon—na sa kasong ito ay natagpuan ng ating persona sa pamamagitan ng pagsulat ng mga tula. Hinihikayat táyo ng aklat na kilalanin ang (sariling) katawan. At kaakibat ng mga bagong kaalaman upang mamuhay bitbit ang mga ipinataw na kondisyon, masasabing ang pagkilala sa katawan ay paraan upang mahigitan ang mga ito at mailagak ang sarili sa ibang katawan.

Mabibili sa Roel’s Bookshop, Balangaw Bookstore, Bookulaw, Murang Books, Mt. Cloud, Savage Mind, at UP Press ang aklat sa halagang PHP150.00. Maaari ring magmensahe sa awtor sa kaniyang Facebook akawnt (Lean Borlongan) o sa kaniyang pahina (Wame Balow).—Maria Christina Pangan

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: