Laging May Bago ang Babae

Hanggang Doon Na Rin Lang ni Ma. Cecilia C. de la Rosa

Kataga, 2016

Noong 2016 pa lumabas ang Hanggang Doon Na Rin Lang ni Ma. Cecilia C. de la Rosa. At marami nang nangyari sa paligid na maaaring nagpapalapot sa pagbása ng 46 tulang (nása Filipino, Ingles, at Bikol) nakapaloob sa aklat. Matagal ko na ring hinahangad na mabigyan ng kaukulang ribyu ang akdang ito, at sa wakas, nabigyan ng pagkakataon bílang unang akdang isasalang sa Diwatáhan

Pilit kong hinanap ang katutubong katapat ng binanggit ng makata na ang lahat ng mga tula niya sa koleksiyon ay ars poetica. Sa kanluraning halagahan, anumang tula ito hinggil sa pagtula, sa paglikha. Ngunit bigo pa rin ang paghagilap sa ngayon. Sa paghahanap ng katapat nito sa ating katutubo, minarapat kong magtiwala sa makata na ang pagdanas sa akda ay magpapasilip sa umiiral na katutubong prinsipyo ng paglikha, ng “personal” sa pagtula.   

Magsisimula ito sa halimbawa. Sa panahon ng masigasig na pagbabalik ng ilang makata sa tugma at sukat, sasabihin ng pambungad na tula ng aklat na: “Tulad mo at ng iyong tula, musmos pa ang oras. / ‘Wag mong ipilit ang tugma (“Wag Mong Ipilit ang Tugma”). Tila ba sinasabi sa nabanggit na tula na may sariling pag-iral ito at dapat hinahayaan sa mga karaniwan at pang-araw-araw na gawain tulad ng pagtitimpla ng kape, pagluluto ng almusal, pagkukuwento sa takbo ng araw, atbpa. Naroon ang pag-iral ng tula at hindi sa sapilitang pagpapataw rito upang maging “tula” na maaaring matunghayan sa mga nagsisimula pa lamang sa masalimuot na teknikalidad nito (hal. ang kinatatakutang tugma at sukat at antas ng tugmaan) ng ibang mga makata at nagmamakata.

Kaugnay rin ng unang tula ang tinuturol ng pinaghahalawan ng pamagat. Sa “Internal Rhymes,” inilalatag ang patagong pagsulyap ng mga salita at sinasagot naman ito pabalik ng mga kataga. Nauulinigan man ang mga nagbabanggaang tunog sa loob ng taludtod, may pagbanggit din na: “Natutuwa ka, kahit minsa’y / naghahangad nang higit—mas marikit ang tula kung may sukat at tugma!” Dumating man sa pag-amin, isasaad ng persona na: “At maigi nang pasulyap, / kung may tamis naman. / Masarap ang tugmang lihim / at nananambang. / Bigyang-laya ang berso lalo’t ang totoo, / kahit ilantad pa ang tugma, / hanggang doon na rin lang ang tula.

At ito ang kinakasangkapan ni de la Rosa upang masilip ang kaniyang proseso ng paglikha. Ginagamit niya ang mga bagay na sa tingin natin ay bumubuo sa isang tula (tugma, sukat, talinghaga, tayutay) upang usisain natin ang pagnanais sa paggamit ng wika na maaaring magdulot ng pagtalikod at paglihis sa mga kumbensiyon at tradisyon nito.     

Ubod na namumulaklak sa Hanggang Doon ang pananalig sa karaniwan ng mga tula sa koleksiyon. Karaniwan itong iniaangat sa pamamagitan ng pagbubulay at pagbibigay-pansin sa mga karaniwang gawain tulad ng pagbiyahe at engkuwentro sa isang nilulunggati (“sa tuwing ika’y magdaraan”) hanggang sa posibilidad ng hiwaga sa pamilyar na lunan (“tama bang mag-abang ng bulalakaw sa amorsolo?”). Kaakibat ng pananalig na ito ang pagtitiwala sa mga pandamang dumadanas sa iba’t ibang sitwasyon.

Matapos ang aklat, naglalagom ito sa paalalang magtiwala sa mga pandamá. Umiiral na sa kalooban ng mambabasa ang tula. At sa pagdanas naman ng anumang anyong sining, nalalaman natin ang bisa at talab nito kapag may nahasa sa loob natin. Kapag may bago o nabago sa pagdanas mula sa loob-palabas at paloob-labas. Alam nating tinamaan táyo.

Sa dulo, nais kong iugnay ang likhang ito ni de la Rosa sa sinabi ng isang premyadong makatang babae. Sinabi niya na anuman ang ipukol sa kaniya ng mga tao (dahil sa kaniyang pagtalikod sa mga pinaniniwalaan), na siya pa rin ang reyna ng mga makatang Filipina. Una, kinakalagan na natin ang mga sarili sa konsepto ng orden, ng patriyarka. At ikalawa, patunay ang mga tula ni de la Rosa na laging may kakayahan ang babae, ang makata, sa pagbibigay-artikulasyon ng kanilang paglikha at mga likha mismo. Patunay ito na laging may kakayahan ang bago na maghain ng iba sa mga nakasanayan nang panlasa. Mga artikulasyon itong mapangwasak sa rikit at kabuoan. Kayang wasakin ang mga inaakalang puwesto at posisyon ninuman. Kailangan lamang basahin at ipakalat. —Roy Rene S. Cagalingan

Mabibili ang aklat mula sa awtor (FB: Maki de la Rosa) sa halagang PHP100.00.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: